top of page
Search
  • BULGAR

Pag-angkat ng produktong agrikultura, bawas-bawasan

ni Ryan Sison @Boses | July 5, 2024



Boses by Ryan Sison


Sa pagnanais na mapalakas ang lokal na produksyon, balak ng Department of Agriculture (DA) na tapyasan ang pork import ng bansa ng hanggang sa 60,000 metriko tonelada ngayong taon.


Nais ng kagawaran na i-substitute ang 10 porsyento mula sa imported pork supply ng ‘Pinas sa domestic production o lokal na produksyon, kung saan katumbas ito ng 60,000 metriko tonelada ng karne ng baboy. Kasunod na rin ito ng ginagawang programa ng kagawaran bilang pagbuhay sa ating hog industry.


Ayon sa DA, magagamit dito ang P2.1 billion modified repopulation program o kilala bilang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program.


Sa ilalim ng revised repopulation program ng kagawaran, mayroong tatlong package para sa mga magsasaka na maaaring pakinabangan nila. 

Ito ang pagtatayo ng production farm na nagkakahalaga ng P16.21 milyon at may kapasidad na 60 sow/inahin. Sunod ay ang 30-sow level capacity production farm na P10 milyon ang halaga, at ang ikatlo ay ang 30-sow multiplier farm na nagkakahalaga rin ng P10 milyon.


Maaaring ipagkaloob ito ng pamahalaan sa mga kuwalipikadong benepisyaryo na may kaalaman sa pag-aalaga, pagpapalaki, at pagpapalakas ng produksyon ng baboy.

Dapat lang na mas tutukan ng kinauukulan ang lokal na produksyon ng baboy sa halip na pagtuunan nila ang pork imports ng ating bansa.


Sa ganitong paraan kasi ay matutugunan ang pangangailangan at konsumo ng bansa, habang maibabangon pa natin ang ating hog industry na labis ding naapektuhan ng African swine fever (ASF).


Gayundin, bukod sa pagtapyas sa pag-import natin ng karne ng baboy, sana ay mabawasan na rin ang pag-aangkat natin ng napakaraming produktong pang-agrikultura gaya ng isda, gulay at iba pa.


Isipin sana natin na mas suportahan ang ating mga kababayang magsasaka at mangingisda upang hindi na tayo aasa pa sa ibang mga bansa pagdating sa seguridad sa supply ng pagkain ng ating bansa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page