top of page
Search

Pag-amyenda sa Teachers Professionalization Act para iangat ang edukasyon

BULGAR

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Jan. 21, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Noong nakaraang linggo ay tinalakay natin ang pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 4784), isang batas na ipinasa mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Unang naamyendahan ang batas noong 2004.


Matapos ang 20 taon, muli nating tinatalakay ang pag-amyenda rito. Mahalagang tiyakin nating magdudulot ito ng mas mataas na kalidad ng edukasyon sa bansa.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2840 na inihain ng inyong lingkod, iminumungkahi natin ang mga alternatibong pathways o paraan upang maging rehistrado ang isang propesyonal na guro. Layunin ng mga pathways na ito na dagdagan ang bilang ng mga mahuhusay na guro, lalo na sa mga larangan kung saan kinakailangan ang specialized knowledge at expertise. 


Kung meron tayong mga mahuhusay at mga kuwalipikadong mga guro, nais din nating makitang maging mas mahusay ang ating mga mag-aaral. Mahalagang tandaan na ginagawa natin ito para sa ating mga mag-aaral dahil nais nating maging mas mahusay sila.


Sa kasalukuyan, kinakailangang kumuha at pumasa ng licensure examination ang mga nais maging guro. Sa ilalim ng ating panukala, maaaring magsumite sa Professional Regulation Commission (PRC) ng portfolio na nagpapakita ng pagkamit ng professional standards, kung ang graduate ay nagmula sa isang accredited teacher education center of excellence na may passing rate na hindi bababa sa 80%.


Ang PRC ang magtatalaga ng criteria ng professional standards para sa mga guro, at magtatakda kung paano ito maaaring ipakita sa mga isinumiteng portfolio. Ito ay para matiyak na mga kuwalipikado at mahuhusay na aplikante lamang ang mabibigyan ng certificate of registration at lisensya para makapagturo.


May probisyon din sa naturang batas na nagsasaad kung saan pahihintulutan ang pagpaparehistro ng hindi dumadaan sa examination. Ang aplikanteng nagturo ng hindi bababa sa 10 taon bago maisabatas ang naturang panukala ay magsusumite ng portfolio na gagamitin para sa lubusang pagrepaso ng kaalaman at pagtataglay ng mga professional standards. Sa loob ng tatlong taon matapos maging batas ang naturang panukala, dapat magsumite ang mga aplikante ng kanilang aplikasyon para sa issuance ng certificate of registration at professional identification card.


Patuloy nating pag-aaralan ang mga mungkahing ito upang matiyak na makakatulong sila sa pag-angat ng antas ng edukasyon sa bansa. Antabayanan ang mga susunod na hakbang na gagawin natin ukol sa panukalang batas na inihain natin.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page