top of page
Search
BULGAR

Pag-amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act, para sa kapakanan ng mga rider

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 22, 2024



Nanawagan si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga kapwa mambabatas para sa agarang pagpasa ng isang panukala upang amyendahan ang Republic Act No. 12235 o “Motorcycle Crime Prevention Act”.


Sabi ni Dela Rosa, kailangang balansehin ang kapakanan ng riding community at ang layunin na tugunan ang problema sa “riding-in-tandem”.


Manipis umano ang linyang tinutulay ng batas na ito sa pagitan ng crime prevention at diskriminasyon. Wala naman umanong problema na parusahan ang mga nakagawa ng krimen ngunit ayon kay Sen. Bato ay tiyakin lamang kung sino ang tunay na salarin, inihayag niya ito sa gitna ng kanyang co-sponsorship sa Senate Bill No. 2555.


Argumento ni Dela Rosa, na isa ring motorcycle enthusiast, nasi-single out umano ang motorcycle riding sector nang isabatas na RA 12235. Nabago umano ang perspektibo sa sektor na ito nang matulungan ng motorcycle riders ang mga ordinaryong Pilipino noong COVID-19 pandemic sa paghahatid ng mga mahahalagang mga pangangailangan tulad ng test kits, food items, gamot at iba pa. 


Sa ilalim ng Senate Bill 2555, magkakabit na lang ng RFID stickers sa harap ng motorsiklo sa halip na plate number. Kaya kung lulusot ang panukalang ito ay hindi na dalawa ang plaka ng motorsiklo. RFID sa harap at sa likod na lamang ang plaka.


Mukhang magugustuhan ito ng motorcycle riding community na noon pa man ay tutol na sa doble plaka na ang lalaki pa. Sabagay, masagwa naman talaga tingnan.


Kaya ngayon pa lang ay marami na sa ating mga ‘kagulong’ ang excited sa panukalang ito na sana ay maisakatuparan sa lalong madaling panahon.


Masyado kasing napanggigigilan noong nakaraang Kongreso ang kalagayan ng mga kababayan nating gumagamit ng motorsiklo dahil sa biglang sumikat ang riding-in-tandem at parang lahat ng nakamotor ay masamang tao.


Dapat nating isipin na lumaganap lamang ang motorsiklo sa panahon ng pandemya na silang nagsalba sa taumbayan sa maraming bagay, partikular sa serbisyo na nagsasakripisyo sa pagbili ng mga pagkain at gamot dahil maraming takot lumabas ng bahay habang sila ay buwis-buhay.


At noong panahong matindi ang bakbakan sa Senado hinggil sa doble plaka ay tila nadamay ang mga matitinong rider sa riding-in-tandem na madalas na laman ng balita dahil sa kung anu-anong krimen na kinasasangkutan.


Pero dahil sa bagong panukalang ito, tiyak na magiging kapaki-pakinabang dahil bukod sa madali ang pagkakakilanlan ng rider ay makikita rin sa RFID ang iba pang detalye na kailangang-kailangan ng ating mga traffic enforcer.


Maiiwasan pa ang nakawan ng motorsiklo dahil sakaling nahuli ang rider at hindi tugma sa kanya ang detalye sa RFID ay may dahilan na para pigilin ang rider kung bakit siya nagmamaneho ng hindi akmang motorsiklo.


Nakakatuwang isipin na matapos ang mga pahirap na panuntunang inilabas laban sa mga rider — tulad ng paghuli sa mga sumisilong sa mga flyover sa tuwing umuulan ay may ilan pa rin namang mambabatas na inaalala ang kalagayan ng mga nagmomotorsiklo.


Huwag kayong mag-alala dahil hindi nakakalimot ang ating mga ‘kagulong’ sa mga kumakalinga sa kapakanan ng aming hanay.


Hindi na natin maitatanggi na panahon na ito ng motorsiklo, hindi lang sa ‘Pinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at malaking tulong sa pagsulong ng ating ekonomiya ang motorsiklo. Hindi naman tayo humihingi ng special treatment, pero sana lang huwag namang alisan ng dignidad ang ating mga ‘kagulong’ na sumusunod naman sa batas.


Madalas inaabala kasi sa checkpoint ang mga motorsiklo kahit walang kasalanan basta motorsiklo dapat awtomatikong hihinto ‘pag may checkpoint. Pagkatapos, pinabubuksan pa ‘yung lalagyan baka raw may baril, pero ‘pag kotse tuluy-tuloy lang samantalang posibleng mas malalaking baril ang kasya sa likod ng sasakyan. 


Sana naman mabago na ang pagtrato ng Philippine National Police (PNP) sa mga nakamotor ‘pag may RFID na dahil babasahin na ito ng RFID reader, at wala ng dahilan para pigilin pa ang mga motorcycle rider.



 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page