ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 25, 2021
Sa kabila ng banta ng COVID-19 at pagdami ng kaso, inilabas ng provincial government ng Cebu noong Lunes ang utos na hindi na kailangan ang negatibong resulta sa swab test sa mga turistang papasok sa probinsiya.
Dahil dito, nagpahayag ng pagkabahala ang mga residente, gayundin ang mga eksperto.
Giit ng OCTA Research Group, isang malaking problema kung hindi magpapakita ng negatibong COVID-19 test result ang mga turistang papasok sa isang probinsiya o siyudad dahil mahalaga ito upang matukoy kung sino ang mayroong sakit. Binigyang-diin din nito na kailangang magpatuloy ang pagpapalakas ng pamahalaan sa COVID-19 testing efforts at health system capacity para malaman ng bawat mamamayan ang kailangang gawin para maiwasan ang pagkahawa sa virus.
Matatandaang kamakailan, nais padaliin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT) ang pagbiyahe ng mga turista dahil maraming nagsasabing nakalilito ang standard requirement ng mga probinsiya.
Sa totoo lang, dapat manatili na lang sa iisang standard requirement bilang pag-iingat dahil kahit gustuhin nating mapalago muli ang turismo, hindi naman dapat mailagay sa panganib ang kalusugan ng mga residente at turista.
At ngayong patuloy pa rin ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, kailangang magdoble-ingat ang bawat isa, kaya dapat ipagpatuloy ang pagpapatupad ng requirement na masuri sa virus ang mga turistang papasok sa isang lugar.
Panawagan natin sa mga kinauukulan, pag-aralang mabuti kung kailangan ba talaga itong ipatupad dahil baka ang ending, dayuhin nga ang probinsiya, sangkatutak na kaso naman ang maitatala.
Sa panahon ngayon, dapat lang na mag-ingat dahil nasa paligid pa rin ang virus at hindi natin alam kung hanggang kailan ito mananatili.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments