ni Ryan Sison - @Boses | May 07, 2021
Matapos ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga indibidwal na hindi nagsusuot ng facemask habang nasa pampublikong lugar, aayusin din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ordinansang inaprubahan ng mga local government units (LGUs).
Paliwanag ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya, makikipagpulong sila sa Philippine National Police (PNP) para tukuyin ang parameters ng bagong direktiba ng Pangulo.
Bagama’t magkakaiba ang penalties na ipinapataw ng LGUs laban sa mga lumalabag sa ordinansa hinggil sa pagsuot ng facemasks, sa kasalukuyan ay maaari lamang arestuhin ang indibidwal na lumabag kung hindi ito susunod sa mga pulis.
Kung tutuusin, matagal nang mandatory ang pagsusuot facemask, lalo na kapag nasa labas ng bahay, kaya nakadidismaya dahil hanggang ngayon ay marami pa ring lumalabag dito. At kung naka-facemask man, madalas itong hindi isinusuot nang tama.
Hindi na nga dapat magkaroon ng ordinansa para lang magsuot ng facemask ang mga tao dahil sa totoo lang, dapat kusa na itong ginagawa. Pero dahil may mga kababayan tayong pasaway sa kabila ng mga paalala at babala, no choice kundi parusahan para magtanda.
Kaya pakiusap sa taumbayan, ‘wag nang hintaying masampulan bago pa sumunod sa ordinansa.
Isa pa, kahit paulit-ulit na, panawagan sa gobyerno, ‘wag tayong mapagod magpaalala at magturo ng kahalagahan ng tamang pagsusuot ng facemask.
Gayunman, hangad nating pag-aralang mabuti ang direktiba ng Pangulo kung kailangan ba talagang umabot sa pang-aaresto dahil sa ganitong uri ng paglabag.
At habang isinasaayos ang mga umiiral na ordinansa hinggil sa pagsusuot ng facemask, mahalaga ring maipaunawa natin sa taumbayan na hindi lang nila ito dapat gawin para sa kanilang sarili kundi maging sa kaligtasan din ng ating kapwa.
Kung sa simpleng pagsusuot pa lang ng facemask ay ligwak na tayo, paano pa natin matatalo ang hindi nakikitang kalaban?
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments