ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 12, 2021
Sugat ang inabot ng isang rider nang sumemplang at sumubsob matapos lumusot sa siwang ng drainage ang gulong ng kanyang motorsiklo sa Tondo, Maynila.
Sa CCTV footage, makikitang mistulang nagsirko ang rider at muntik pang madaganan ng sarili niyang motor at masalpok ng kasunod na isa pang rider.
Tila sandali pang nawalan ng malay ang naaksidenteng rider nang sinubukan siyang ibangon ng mga nakasaksi sa insidente.
Ini-report naman sa barangay ang insidente at agad na nagpaliwanag ang kapitan.
Aniya, hindi pa tapos ang naturang bahagi ng kalsada, pero tinanggal agad ang barrier, ngunit pagkatapos ng insidente, ibinalik din ang harang sa drainage.
Kung may inaayos sa kalsada, tiyaking hindi ito magiging perhuwisyo sa mga dumaraan.
Ang hirap kasi sa atin, panay tayo tingin sa mga “road worthy” na sasakyan, pero ang mga kalye, worth it bang daanan?
Habang papalapit ang deadline ng road clearing operations sa bansa, tiyakin nating malinis at ligtas ang kalye sa mga kababayan, lalo na sa mga motorista. Baka kasi nag-aayos kuno tayo, pero puro aksidente pala ang nangyayari.
Sana ay magsilbing aral ang insidenteng ito sa lahat na maging maingat tayo sa mga ginagawa natin, lalo na kung may epekto ito sa mga motorista.
Bagama’t hindi naiiwasan ang aksidente sa kalsada, maaari itong mabawasan kung magiging mas maingat tayo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments