top of page
Search
BULGAR

Pag-aaruga at pag-unawa, ibigay sa mga may Alzheimer’s

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 18, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Itinalaga ang bawat Setyembre bilang World Alzheimer’s Month at tuwing ika-21 ng nasabing buwan ay World Alzheimer’s Day, bilang pagtanaw sa pagkabuo ng pederasyong Alzheimer’s Disease International (ADI), na itinatag noong 1984.


Ang Alzheimer’s disease (AD) ang isa at ang pinakalaganap, sa may 10 uri ng sakit na sanhi ng dementia, na unti-unting nagdudulot ng malubhang panghihina ng kakayanang makaalala o makaisip, pati ng pag-iiba ng pag-uugali. 


Kadalasan ay sa edad 65 pataas unang tumatama ang Alzheimer’s, ngunit may mga kaso na “early onset,” kung saan lumilitaw ang sakit sa mga nasa ika-tatlo hanggang ikalimang dekada pa lamang ng kanilang buhay.Ang Alzheimer’s disease ay ipinangalan sa Alemang espesyalista sa sikolohiya na si Alois Alzheimer, na siyang unang nakapaglarawan ng karamdamang iyon noong 1906.


Ang kadalasang senyales ng AD ay ang kahirapan sa iba’t ibang bagay na may kinalaman sa isipan: sa paggunita ng sariling mga alaala, pag-asikaso ng mga dati’y kabisadong mga gawain sa bahay o sa hanapbuhay, pagtahak ng pamilyar na mga pook o kalye, kaalaman sa kasalukuyang lugar o oras, pagpatuloy sa mga nakagawiang mga aktibidad, kaalaman sa silbi ng mga kagamitan sa loob at labas ng tahanan, at iba pa. 


Hindi ito kahalintulad ng pagiging malimutin, na karaniwang nangyayari sa ating pagtanda. Bagkus, ito ay ang tipo ng pagkalimot na tila naliligaw sa gubat ng sariling isipan, halimbawa’y kung paano gawin ang ordinaryong mga nakagawian gaya ng pagkain o pagbihis.


Dahil sa pagbabago ng kanilang pag-iisip at kawalan ng kontrol sa kanilang mga galaw, ang mga may Alzheimer’s ay kadalasan litung-lito, balisa o mayamutin, at kinakailangan ng tulong ng tagapag-alaga, kadugo man o hindi.


Ang mahirap sa ngayon ay wala pang gamot para sa karamdamang ito. Mayroon mang mga pag-aaral at pagsusuri ukol sa posibleng medisina ay nasa antas pa lang ng pagpabagal ng pagragasa ng mga sintomas at hindi pa rin naman makakamit nang karamihan.


Ganunpaman, tuluy-tuloy ang pagsusuri’t pananaliksik ukol sa AD sa buong mundo. Marami-rami na rin ang mga pelikulang banyaga na ang kuwento ay ukol sa tauhang may ganitong karamdaman. Mabuti rin at mayroong Alzheimer’s Disease Association of the Philippines (ADAP), na miyembro ng ADI, at mayroon ding Dementia Society Philippines, pati ang Philippine Alzheimer’s Support Group sa social media, upang mapalawig pa ang pagtalakay ng sakit na ito sa ating bansa. Sa posibleng paglobo ng matatandang Pilipinong edad 60 pataas sa darating na mga taon, maaari pang dumami sa ating populasyon ang magka-Alzheimer’s. Hindi biro ang sakit na ito.


Sa ngayon, may mga maaari tayong magawa upang posibleng mapigilan ang pagkakaroon ng sakit na ito, pati na ng iba pang malubha’t magastos na karamdaman. Kabilang dito ang pag-iwas sa mga bagay na makadudulot ng alta presyon upang maging sapat at patuloy ang daloy ng dugo at oxygen papunta sa ating utak. Kung kaya’t mahalaga na tayo ay hindi kulang sa tulog, pahinga, ehersisyo at pagkain ng mga gulay at prutas, at dapat tigilan ang paninigarilyo o ang pagmamalabis sa pag-inom ng alak. Maaari ring makatulong ang pagpapatibay ng utak sa pamamagitan ng mga ehersisyong pang-isipan, gaya ng pagbabasa, pag-aaral ng bagong libangan, o kahit madalas na pagtalakay ng mga palaisipan o crossword o jigsaw puzzle. 


Para naman sa mga ulirang sumusubaybay sa minamahal o binabantayang may Alzheimer’s o iba pang uri ng dementia, kapit lang. Tibayan ang sarili’t habaan ang pasensya. Asintaduhin ang pag-aalaga sa sarili upang patuloy na makapagmalasakit sa inaaruga, habang sinasariwa ang masasarap na mga alaala ukol sa kanila. May matindi man silang karamdaman, sila ay bukod-tanging tao pa rin na may kakaibang kasaysayan. Sa pangangalaga sa kanila, napoprotektahan din ang halaga ng kanilang mga karanasan at importansya nila sa mundo.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page