top of page
Search
BULGAR

Pag-aaral sa Motorcycle Taxi, inabot na ng 4 yrs., ‘anyare?!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | July 29, 2023

Panahon pa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magsimulang gumawa ng pilot study ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa paggamit ng motorcycle-for-hire o motorcycle taxi bilang public transport.


Ngayon, apat na taon na ang nakakaraan at may bago na tayong administrasyon ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring inilalabas na resulta ng pag-aaral kung makabubuti o makasasama ba ang hindi na mapigilang pagdami ng motorcycle taxi sa bansa upang maging pampublikong sasakyan.


Kung tutuusin, ang mga ganitong pilot study ay karaniwang tumatagal lamang ng ilang buwan o minsan ay mas maiksi pa. Pero itong Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) na nakatutok para sa naturang pag-aaral ay wala man lamang abiso.


Kung hindi talaga nila kayang agad-agad na maglabas ng resulta o hindi pa sapat ang apat na taon ay maglabas naman sila ng paliwanag kung ano na ang tunay na sitwasyon dahil marami sa ating mga ‘kagulong’ ang inip na inip na sa kinahinatnan.


Imposible naman kasing hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nabubuong kongklusyon ang itinalagang MC Taxi TWG kahit inisyal man lang, maliban na lamang kung hindi talaga inaasikaso o kaya ay may pumipigil na ilabas ang resulta ng pilot study.


Hindi lang mga ‘kagulong’ natin ang naiinip dahil maging ang mga commuter o mga mananakay sa MC Taxi ay sabik na sabik nang mapagtibay ang batas para maging isang ganap na public transport ang motorsiklo upang maibsan ang kanilang pag-aalala sa tuwing sila ay lulan bilang pasahero.


Sobrang tinatangkilik na kasi ngayon ng ating mga kababayan ang MC Taxi dahil bukod sa mabilis, iwas sa trapik at mura ay ligtas namang nakararating sa paroroonan, kahit na may konting kaakibat na banta ng aksidente.


Dahil sa pagkakaantala ng resulta ng pilot study, nagkani-kanya na ang ating mga ‘kagulong’ na nais maghanapbuhay at nagkaroon ito ng negatibong epekto sa public transport dahil sa dumami ang mga kolorum at hindi na kailangan ang ride-hailing apps dahil may mga pila na ng ‘habal-habal’ sa maraming lugar.


Hanggang ngayon kasi, nakatengga sa 45,000 ang opisyal na kalahok sa isinasagawang pilot study at ang nakikinabang lamang dito ay ang Joyride, Angkas at Move It na hindi rin nakakaramdam ng pagkainip sa hindi matapos-tapos na pag-aaral.


Dahil nga sa ni-hay o ni-hoy ay wala man lamang pahayag ang MC Taxi TWG, hindi natin matiyak kung may plano ba silang dagdagan ang mga kalahok sa kabila ng parami nang parami ang mga mananakay ng motorcycle taxi.


Sa totoo lang, kabi-kabila na ang mga panawagan ng iba’t ibang grupo na kung ayaw pang tapusin ng MC Taxi TWG ang wala pang direksyong pilot study, kung maaari ay dagdagan na lamang sana ang mga slot para sa mga motorcycle taxi.


Sa ganitong paraan, maiibsan ang pagtangkilik ng mga pasahero sa mga kolorum na hindi tiyak ang kaligtasan dahil kulang sa kaalaman ang driver, walang insurance at walang kumpanyang hahabulin sakaling maaksidente.


Sana ngayong second regular session ng 19th Congress ay lumusot na ang motorcycles-for-hire bill upang maging legal nang uri ng public transport ang motorcycle taxi kung saan ay nasa 14 na magkakahalintulad na panukala ang nakasumite sa Kamara de Representante.


Nais ko lamang ipunto rito, ang napabalitang malagim na sinapit ng isang babae na pasahero ng motorcycle taxi na pag-aari ng Maxim Taxi Philippines Inc. na sinalpok ng isang trak sa Cebu City ngunit hindi pa pala aprubado ng LTFRB ang prangkisa nito kaya wala pang karapatang magsakay ng pasahero pero namamasada na.

Napakarami ng kahalintulad na pangyayari araw-araw ang nagaganap sa iba’t ibang lansangan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring batas na magbibigay ng proteksyon hindi lang sa mga driver ng motorcycle taxi kundi ng mismong pasahero.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page