top of page
Search
BULGAR

Pag-aalboroto ng Bulkang Taal, malaking banta sa kaligtasan ng kabataan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 15, 2021



Kasalukuyang nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal. Kahapon ay iniulat ang anim na volcanic earthquakes dito at patuloy pa rin ang paglalabas ng malalaking usok o ‘yung tinatawag na steam plume kung saan isa sa mga nilalaman nito ay mapanganib sa kalusugan ng tao — volcanic sulfur dioxide (SO2). Bilang paghahanda sa posibleng mas malalakas na pagsabog nito ay mariin nating hinihimok ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng kabataan mula sa pagkakasakit pati na sa pang-aabuso.


Maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa kabataan, isinusulong ng inyong lingkod ang agarang pagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo tulad ng pagkain at nutrisyon, tubig, sanitary at hygiene kits, psychosocial interventions at iba pang kinakailangan sa panahon ng sakuna.


Ang pagpapamahagi sa mga pangangailangan at serbisyong ito ay nakasaad sa Republic Act No. 10821 o Children’s Emergency Relief and Protection Act. Minamandato ng naturang batas ang DSWD na bumuo ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na magiging basehan sa pagresponde sa mga kalamidad at iba pang sakuna. Layunin ng programang ito na bigyang-proteksiyon at suportahan ang pangangailangan ng mga bata, pati na ng mga buntis at lactating mothers.


Bukod dito, tinututukan din natin ang kaligtasan ng mga bata mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso. Matatandaang, iniulat ng children’s organization na Save The Children noong nakaraang taon na hindi bababa sa 124,000 ang bilang ng kabataan na napilitang lumikas mula sa kanilang tahanan noong sumabog ang Bulkang Taal.


Nais nating bigyang-diin ang isa pang suliranin na kinahaharap ng mga bata, lalo na kapag may sakuna at anumang emergency situation kung saang maraming batang babae ang nahaharap sa banta ng karahasan at pang-aabuso. Sa pag-aaral noong 2017 ni Dr. Gloria Luz M. Nelson, isang social science researcher ng Department of Science and Technology DOST — National Research Council of the Philippines (DOST - NRCP), ang mga babaeng may edad 10 hanggang 19 ay humaharap sa panganib na mabuntis o mamolestiya sa kanilang pananatili sa evacuation centers. Ito ay mula sa pag-aaral ni Dr. Nelson tungkol sa epekto ng mga Bagyong Yolanda at Ruby noong 2013 at 2014 sa batang kababaihan.


Mandato rin sa ilalim ng Children’s Emergency Relief and Protection Act ang mas pinaigting at komprehensibong hakbang upang masugpo at ma-monitor ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan sa panahon ng kalamidad.


Upang matugunan naman ang mga hamong hinaharap ng mga evacuees, tulad ng congestion, kakulangan ng mga pasilidad at iba pang panganib, inihain din ng inyong lingkod noong 2019 ang Senate Bill No. 747 o ang Evacuation Center Act na naglalayong magkaroon ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page