top of page
Search
BULGAR

Pag-a-apply ng salary loan sa SSS, mas pinadali gamit ang mobile app

@Buti na lang may SSS | February 21, 2021



Dear SSS,


Nais ko sanang mag-apply ng salary loan sa SSS. Paano mag-apply ng salary loan gamit ang SSS Mobile app? – Tyra ng Malolos City


Sagot


Ang SSS salary loan ay maituturing na pinakapopular na programa ng SSS. Maraming miyembro ang ginagamit ang pautang na ito upang matugunan ang kanilang dagliang pangangailangang pinansiyal. Sa ngayon ay online na ang aplikasyon ng salary loan dahil na rin sa kasalukuyang nararanasang pandemya. Sa katunayan, marami sa ating mga miyembro ang nakapag-apply na ng salary loan gamit ang kanilang My.SSS account na nasa SSS website.


Kung mayroong smartphone, maaari ring makapag-apply ng salary loan gamit ang SSS Mobile App. Bahagi ito ng digital transformation ng SSS kung saan ang mga pangunahing serbisyo nito ay inililipat na sa online upang mapabilis, mapadali at mapaginhawa ang anumang transaksiyon ng mga miyembro.


Upang magamit ang SSS Mobile App, kinakailangan na naka-install ito sa iyong smartphone. Kung wala ka pa ng nasabing app, magtungo ka lang sa App Store, Play Store o Huawei App Gallery upang i-download ito nang libre.


Kasunod nito mag-login gamit ang existing na My.SSS username at password. Matapos nito ay i-tap mo ang “My Loans” at i-tap mo ang “Apply For Salary Loan.” Makikita mo rito kung magkano ang halaga na maaari mong utangin. Makikita mo rin ang Payment Mode o kung paano matatanggap ang utang. Kinakailangan na naka-enroll ang bank account sa SSS Disbursement Account Enrolment Module sapagkat dito na papasok ang inutang.


Sunod, i-click ang “I agree to the Terms of Service” at “Accept.” Pagkatapos nito, i-click ang “Proceed” o “Cancel” kung hindi mo nais ipagpatuloy ang aplikasyon. Ipapakita sa screen ang Disclosure Statement ng iyong salary loan at maaari mo itong mai-download bilang PDF file sa pamamagitan ng pag-click sa “Download.” Kapag may kopya ka na ng iyong Disclosure Statement, i-click mo na ang “Submit.” Kung ikaw ay empleyado, makatatanggap ang iyong employer ng notice sa kanyang registered e-mail address na kinakailangang i-certify ang iyong salary loan application gamit ang kanyang SSS web account para ito ay maaprubahan.


Makatatanggap ng notification sa email na successful ang loan application. Kapag naaprubahan na ang loan application, makatatanggap ng abiso mula sa SSS sa pamamagitan ng SMS o text message. Ang text message ay naglalaman ng petsa ng aplikasyon, halaga ng nais mautang, petsa kung kailan ito naaprubahan at halaga ng loan na papasok sa account. Dahil dito, mahalagang updated ang iyong email address at mobile number sa My.SSS.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page