ni Gerard Arce @Sports | July 28, 2024
Nauwi sa tabla ang ikalawang salang sa exhibition bout ng nag-iisang eight division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao laban kay dating K1 fighter Rukiya Anpo ng Japan, Linggo ng gabi sa Super RIZIN 3 sa Super Saitama Arena.
Maituturing man na walang nanalo sa three-round-three-minute boxing match, tila mas kinakitaan ng kalamangan ang Japanese fighter na malaki ang bentahe pagdating sa height at lakas matapos na magpakawala ng mabibigat na suntok sa 45-anyos na Filipino boxing legend.
Tiniis ng future Hall of Famer ang mabibigat na suntok ni Anpo, kabilang ang right hooks sa first round, body shots sa round two at matitinding atake sa round three, kung saan nasaktan si Pacman sa huling round.
Naging pamalit lamang si Anpo kay kickboxing at mixed martial arts RIZIN featherweight champion Chihiro Suzuki, matapos kinailangang umatras dahil umano sa hand injury na natamo sa exhibition boxing match kay PRIDE FC Legend Takanori Gomi.
Huling beses sumabak sa exhibition match si Pacquiao nung Disyembre 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision sa kanilang six round bout, na sinundan naman ng pagpirma ng kasunduan sa kilalang Japanese Promotions na RIZIN MMA para lumaban rin sa isang exhibition match.
Nakikita namang isang tune-up fight ni Pacquiao ang laban kay Anpo bilang daan sa nilulutong comeback professional fight nito kontra kay World Boxing Council (WBC) welterweight titlist Mario “El Azteca” Barrios ngayong taon sa Estados Unidos.
Matatandaang nabigo si Pacquiao sa huling professional bout kontra kay Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba nung Agosto 21, 2021 na nagresulta sa 12-round unanimous decision pabor sa 2008 Beijing Olympics bronze medalist para sa WBA (Super) 147-pound title belt.
Comentarios