top of page

Pacman, tuloy na ang sabak sa Paris Olympics

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 16, 2023
  • 2 min read

ni Lucio Gabor @Sports | September 16, 2023



Wala nang atrasan para sa katuparan ng matagal nang pangarap ni Manny Pacquiao – ang makalaro sa Olympics. “Tuloy na tuloy na tayo,” pahayag ni Pacquiao sa ginanap na media confererence para sa bagong ligang Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) nitong Biyernes sa Sheraton Hotel sa Pasay City.


“Alam naman ninyo na nang lumuwas ako sa Maynila ang pakay ko ay makasama sa Philippine Team. Hindi lang ako tinanggap dahil wala raw akong sinabi,” pagbabalik-tanaw ng eight-division world champion. “Kaya sa maagang edad na 17, nagdesisyon ako na mag-pro na lang. Pero hindi naaalis sa aking isipan na lumaban para sa Philippine Team. Yan ang matagal ko nang pangarap at nasa puso ko na matupad na makapanalo ng medalya sa Olympics,” pahayag ni Pacquiao.


Kamakailan, nakausap na ng dating Senador si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino, gayundin ang pamunuan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para mai-programa ang lahat para sa tatahaking landas tungo sa pagsabak sa 2024 Olympics sa Paris, France. Kakailanganin ng 40-anyos boxing icon na sumabak sa qualifying tournaments sa susunod na taon upang makasikwat ng slots para sa Philippine team na isasabak sa Olympics. “Pinaghahandaan ko na ‘yan. All-in na tayo dyan dahil 'yan ang ultimate goal ko sa aking career mula pa pagkabata,” aniya.


Sa bagong panuntunan ng International Olympic Committee (IOC) na siyang pansamantalang nangangasiwa ng international amateur boxing matapos masuspinde ang Boxing Federation, bukas para sa lahat na maging professional boxers ang boxing competition sa quadrennial meet.


Sa nakalipas na Olympics sa Tokyo, Japan, sumabak ang noo’y bagitong professional boxer na si Eumir Marcial at nagwagi ng bronze medal sa kanyang kategorya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page