ni Gerard Arce @Sports | August 21, 2024
Pormal nang ibinasura ng Superior Court ng State of California mula sa County of Orange Central Justice Center ang $5.1-M o P282-M na isinampang kaso na ‘breach of contract’ kay Filipino boxing legend Manny “Pacman” Pacquiao ng kumpanyang Paradigm Sports Management upang tapusin ang tatlong taong pakikipaglaban sa naturang kaso.
Isinapinal ni California Superior Court Judge Walter Schwarm ang huling desisyon sa akdang inilabas nitong Agosto 12, 2024 para ideklarang walang bisa ang kaso sa kadahilanang ilegal ang hakbang dahil napag-alamang walang lisensiya bilang manager si Paradigm chief Audie Attar para sa mga boksingero sa California noong 2019, gayundin noong 2020 at 2021.
Unang beses na nagkaroon ng kasunduan sina Pacquiao at ang Paradigm Pebrero 8, 2020, habang pumasok sa partnership contract ang mga ito noong Oktubre 11 na eksklusibong kasosyo sa buong mundo. Subalit napag-alamang nagkaroon lang ng lisensya si Attar sa California mula Abril 14, 2016 hanggang Abril 30, 2017, subalit napaso ang lisensya matapos hindi makumpleto ang taunang renewal.
“The court finds for Mr. Pacquiao on the declaratory relief cause of action and declares the contract void due to illegality,” pahayag ni Judge Schwarm na naunang ipinag-utos noong Hulyo na ipawalambisa ang pagbabayad ni Pacquiao ng $3.3-M para sa breach of contract at $1.8-M para sa ‘breach of the implied covenant of good faith and fair dealing’ na iniatas ng Orange County jury noong Mayo 2, 2024 para sa 10 mga hatol laban sa nag-iisang 8th division World champion.
“We are pleased that the court made its final decision on the legal issues in Mr. Pacquiao’s favor. After hearing Paradigm Sports Management’s objections to the tentative decision, the court decided the contract that Paradigm sought to enforce Mr Pacquiao was illegal as Paradigm was not properly licensed,” saad ni Atty. Aniel.
Comments