ni GA @Sports | November 7, 2023
Sa edad na 44 ay hindi pa rin nawawala ang kagustuhang sumabak sa mas mataas na kalidad ng upakan ang nag-iisang 8th-division World champion na si Manny “Pacman” Pacquiao na maluwag sa kaloobang makasagupa ang matitinding katapat kabilang ang undefeated at knockout-puncher na si Gervonta “Tank” Davis sa hinaharap.
Buong tapang na sinagot ng future international boxing Hall of Famer ang katanungan ng posibilidad na makaharap nito ang World Boxing Association (WBA) Regular lightweight titlist sakaling umakyat ito sa kategorya nitong welterweight division.
“Davis is a good fighter, a good fighter, [but] If he wants [to] and comes up to 147, then we can fight. 145, maybe,” pahayag ni Pacquiao sa panayam ng FightHub TV ng bumisita ito sa Riyadh, Saudi Arabia matapos dumalo sa isang imbitasyon. “It’s not a problem for me, I’m an experienced fighter.”
Huling beses sumabak sa professional bout ang tubong Kibawe, Bukidnon at ipinagmamalaki ng General Santos City laban kay Yordenis “54 Milagros” Ugas ng Cuba noong Agosto 21, 2021 na nagresulta sa 12-round unanimous decision pabor sa 2008 Beijing Olympics bronze medalist para sa WBA (Super) 147-pound title belt.
Simula nito ay inanunsiyo ni Pacquiao ang kanyang pagreretiro upang tumutok sa pinakamataas na puwesto sa pulitika, subalit muling hindi pinalad sa 2022 Presidential Election.
Muling nagbalik sa salpukan si Pacman nang sumabak ito sa exhibition match noong Dis. 11, 2022 kontra kay South Korean fighter DK Yoo sa Korea International Exhibition Center na nagtapos sa unanimous decision sa kanilang 6-round bout. Nakahanda ring humarap sa isa pang exhibition match kontra kay Muay Thai at Kickboxing icon Sombat “Buakaw” Banchamek ng Thailand sa Enero 2024.
Kinumpirma rin ni Pacquiao ang nilulutong laban kay dating undefeated at retired Future Hall of Famer Floyd “Money” Mayweather Jr. para sa pinaka-aasam na Pac-May 2 rematch na plano sa Disyembre sa Tokyo.
תגובות