top of page
Search
BULGAR

Pacific Water, nanggulat; Men's team sa AVC, bigo uli

ni Anthony E. Servinio / MC - @Sports | October 10, 2021




Ginulat ng walang panalong Pacific Water Queens ang walang talong Glutagence Glow Boosters, 71-61, sa tapatan ng dalawang koponan sa magkabilaang dulo ng Pia Cayetano Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 mula sa Bren Z. Guiao Convention Center ng San Fernando City, Pampanga kahapon. Uminit ang shooting ni Jollina Go upang maputol sa apat ang sunod-sunod na talo ng Water Queens at manatiling buhay ang pag-asa na mapabilang sa semifinals.


Pinakamainit si Go noong second quarter kung saan ikinalat niya ang 11 puntos upang lumamang ang Pacific Water, 34-25. Pumukol si Go ng anim na tres para sa 27 puntos at sinundan nina Snow Penaranda na may 13 puntos, 16 rebound, siyam na assist at pitong agaw at Cara Buendia na may 13 puntos at 15 rebound.


Nanguna sa Glutagence si Raiza Palmera-Dy na may 28 puntos at siyam na rebound habang siyam na puntos lang ang na-ambag ni April Lualhati at walong puntos si Julie Pearl Gula. Ang 28 puntos ni Palmera-Dy ay pumantay sa 28 na ginawa ni Penaranda para sa pinakamaraming nagawang puntos sa isang laro noong unang laban ng dalawang koponan noong Hulyo 18 kung saan nanaig ang Glow Boosters, 72-55.


Samantala, kinapos sa ikalawang sunod na pagkakataon ang PHL Men's team Rebisco sa 2021 Asian Club Men's Volleyball Tournament na idinaraos sa Terminal 21, Nakhon Ratchasima, Thailand kahapon.


Kinulang pa rin ang Rebisco para tapatan sa opening-set at malaglag ang momentum kontra Uzbekistan AGMK. Nagtatag ang AGMK come-from-behind win sa four sets, 24-26, 25-23, 25-18, 25-19 upang biguin muli ang PHL team preliminary round ng men's tournament. Nasayang ang pamumuno ni Jao Umandal para sa Pilipinas sa game-high na 19 points na galing sa attacks, habang may 14 puntos na iniambag si Nico Almendras.

Umiskor ng tig-18 puntos sina Bunyod Egamkulov at Bunyodbek Khosinov para sa AGMK para sumalo sa liderato ng Pool B. Nanatili sa 4th place ang PHL team dahil hindi lumahok sa torneo ang Al-Arabi ng Qatar.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page