ni GA @Sports | January 14, 2024
Hindi naging mahirap para kay 2-time pro-league MVP Myla “Bagyong” Pablo ang pagbabalik sa Petro Gazz Angels dahil sa pagiging pamilyar nito sa mga kakampi at sa pamunuan ng koponan upang dalhin ang kanyang kaalaman at karanasan sa pagbubukas ng bagong season ng Premier Volleyball League (PVL) sa susunod na buwan.
Kahit pa man kabi-kabilang manliligaw mula sa ibang koponan ang nagnanais na makuha ang serbisyo ng 5-foot-10 outside hitter mula sa National University Lady Bulldogs, mas pinili pa ring makipagbalikan ng tubong Tarlac sa Petro Gazz.
“First choice ko talaga Petro Gazz since nag-disband 'yung F2 [Logistics]. Yung Petro 'yung unang nag-message [sa 'kin]. I’m really thankful din naman talaga kasi grabe 'yung tiwala sa'kin ng Petro Gazz ulit,” pahayag ni Pablo sa panayam dito ng One Sports’ The Game nitong Miyerkules. “Kaya pinili ko 'yung Petro Gazz talaga kasi familiar na sakin ang team. Alam ko na 'yung bawat galaw ng mga teammates ko, ugali ng mga teammates [ko]. Two years din ako sa Petro Gazz, alam ko na din ugali ng mga management namin, mga boss namin.”
Muling makakasama ni Pablo sa Petro Gazz sina Aiza Maizo-Pontillas, Djanel Cheng.
Kecelyn Galdones, Mary Remy Joy Palma, Jonah Sabete, Nicole Tiamzon at Mariane Buitre, habang gagabayan ito ni headcoach Timmy Sto. Tomas.
Tumalon noong nagdaang season ang 30-anyos na dating Best Spiker ng UAAP season 75 matapos hindi mag-renew ng kontrata sa Petro Gazz upang palakasin ang noo’y matibay na puwersa ng F2 Logistics na kinabibilangan nina team captain Aby Marano, Kim Fajardo, Shola Alvarez, Ivy Lacsina, Dawn Macandili, Elaine Kasilag, Ara Galang, Iris Tolenada, Majoy Baron, Kim Kianna Dy, at Cha Cruz-Behag sa koponan.
Comments