ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 30, 2020
Nakakapikon ang National Housing Authority na puro na lang pangako, pero palaging napapako!
Kamakailan sa budget hearing sa Senado, aba’y tila iwas-pusoy na naman sila! Sinita natin kung bakit magpipitong taon na, wala talagang malinaw na pabahay na nagawa para sa mga naging biktima ng super-Bagyong Yolanda.
Biruin ninyo, sa loob ng pitong taon, ite-turnover pa lang daw nila sa LGUs ang nasa “various stages of completion” ng mga housing project sa katapusan ng 2021! Hello! Bakit hanggang ngayon, on-going pa rin? Ano ang ginawa nila sa pondo sa loob ng pitong taon?
Pwera biro, hindi namin feel ‘yang effort nila sa housing. Wala kaming makitang malinaw na tirahan ng mga biktima sa iba’t ibang lugar na sinalanta ni “Yolanda”! Puro lang palusot. Palibhasa budget hearing at hihirit na naman sila ng pondo?
Ang nakakatawa pa, ang mga opisyal nila, magkaiba ang year ng completion daw ng project. Sabi ng isa 2021, ‘yung isa, 2022. Ano ba talaga? Ano ‘yan, suntok sa buwan na pramis? Plis, pera ng taumbayan ang hawak ninyo, paramdam naman kayo!
IMEEsolusyon diyan, eh, rerepasuhin natin ang mga isusumite nilang mga numero sa aktuwal na proyekto. At kapag nagkataon, hindi naman tayo tatahimik lang.
Kapag nakita nating talagang may nagpabaya, hay naku, abangan ninyo ang susunod na kabanata. Remember, hindi pa aprubado ang budget ninyo, NHA!
Comments