ni Judith Sto. Domingo @Asintado | November 17, 2023
Ang average lifespan ng mga Pilipino sa bansa ay kasalukuyang nasa 71 taong gulang.
Mas mataas na iyan kaysa ating average lifespan noong mga nakalipas na taon.
Kadalasan, mas matagal din ang buhay ng mga babae kumpara sa mga lalaki.
Sa Pilipinas, dalawa sa kada isandaang libong mamamayan ay centenarian o isandaang taong gulang o mahigit.
Maraming nagtatanong kung anu-ano ba ang mga “factors” sa pagkakaroon ng mahabang buhay ng isang tao, na talaga namang ipinagdiriwang dito sa atin, lalo na ang pagtuntong sa bawat dagdag na taon ng katandaan.
Base sa mga pag-aaral, nakakatulong para sa paghaba ng buhay ang pagtataglay ng positibong pananaw sa buhay. Ito ang nagbibigay-gana sa isang tao na gawin ang dapat niyang gawin sa araw-araw nang may sigla at saya. Naniniwala siyang may halaga ang kanyang buhay at pagkatao hindi lamang para sa kanyang pamilya, kundi para rin sa kanyang komunidad na kinabibilangan. Hindi rin siya nag-o-overthink o nag-iisip ng sobra-sobra sa kinakailangan.
Humahaba rin ang buhay ng mga sinserong makipagkapwa at may kinabibilangang organisasyon, grupo o komunidad na kanilang pinaglilingkuran at tinutulungan na tulad ng isang tunay na pamilya. Ang pagkakaroon ng sense of community na ito ang nagbibigay kasabikan sa kanila para bumangon at makibahagi sa gawain nang may ngiti at pagbibigay ng sarili para sa kapakanan ng iba.
Ang pagtulog ng 8 oras o sapat ay nakatutulong sa pag-iwas sa maraming sakit, nakakapagpasigla, nakakapagpatalas ng pag-iisip tungo sa maayos na disposisyon at pakikitungo sa kapwa.
Siyempre, ang pagkakaroon ng healthy eating habits, pagkain ng masusustansya, at pag-iwas sa mga junk food ay mahalaga para makabuo ng sapat na depensa ang ating katawan laban sa karamdaman.
Napakahalaga rin ng sapat na ehersisyo para paganahin ang ating pisikal at mental na kapasidad at ayusin ang ating emosyonal na estado. Kapag may sapat na ehersisyo, nagiging malakas at ganado tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at obligasyon. Ang masayang pakikipagkaibigan sa mga kasama sa ehersisyo ay magandang therapy rin para sa ating kalusugan.
Ang pinakakrusyal naman ay ang pagtataglay ng magandang genes o genetic makeup.
Sinasabing ang kakayanan nating tumuntong sa nobenta o 90 taong gulang ay nakadepende ng 25% sa ating genes.
Batay din sa mga pag-aaral, ang pagtuntong naman sa edad na 100 ay nakabatay ng 50% sa ating genes. Samantalang ang pagtuntong sa edad na 106 ay nakaasa ng 75% dito. Kaya kung may mga kapamilya kayo na nakaabot sa ganitong mga edad, mas malaki ang inyong tsansa na mabuhay nang mas matagal kumpara sa iba.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Dalawang bagay ang masasabi ko tungkol sa kolum na ito ni Bb. Judith Sto. Domingo. Una, huwag abusuhin ang sariling katawan sapagka't ito ay "templo ng Espirito Santo na nasa katawan na ng tao, sapagka't ito ay tinanggap niya mula sa Diyos" (1Cor. 6:19) Pangalawa, hindi ba p, agiging makasarili at mapag-imbot ang paghahangad na humaba ang buhay pero limitahan naman ang bilang ng mga ipanganganak pa sa pamamagitan ng population control o family planning o kung anuman ang itawag sa programang ito?