ni Hiraya - @No Problem| November 30, 2020
Kahit may pandemya, for sure, may mga ganap pa rin ang bawat isa sa atin. Dahil ipinagbabawal pa rin ang mass gathering, challenging ang set-up dahil marami ring kailangang sundin tulad ng tamang social distancing, pagsusuot ng facemask at face shield, at marami pang iba.
Sa kabilang banda, tiyak na marami rin sa ‘tin ang nagdadalawang-isip kung tatanggapin ang imbitasyon ng ilang kaanak o kaibigan. Bagama’t nakapag-decide na ang iba na gumora, narito naman ang ilang paraan para tumanggi nang ‘di nao-offend ang nag-imbita.
MAGPADALA NG REGALO. Hindi porke wala ka sa event ay hindi mo na puwedeng ipakita na na-appreciate mo ang imbitasyon sa iyo. Kung ang event ay birthday o wedding, puwede kang magpadala ng gift card o anumang regalo. Kung ito naman ay casual get together, magpadala ng bulaklak o pera at may note na, “I’m sorry, I can’t be there. Dessert’s on me!”
MAGTANONG TUNGKOL SA SOCIAL DISTANCING. Ang “personal risk assessment” ng bawat isa ay iba’t iba. Halimbawa, komportable kang makisama sa ibang tao, pero dapat lahat ay naka-facemask at nasusunod ang tamang social distancing. Kaya ang tanong, oks lang bang tanungin ang host kung keri niyang bantayan kung masusunod ang social distancing? Well, sey ng experts, hindi, pero depende umano ito sa relationship mo sa host. Kung siya ay kapamilya o matalik na kaibigan, oks lang magtanong at katunayan, puwedeng gamitin ang kanilang ugali bilang reference. Kung nakikita mong nagpo-post siya ng mga picture sa isang crowded public area o mga party nang hindi nakasuot ng mask, puwdeng hindi siya istrikto sa mga ganitong bagay ‘pag nag-host siya ng party. Kapag nagtanong ka, mas makatutulong kung gagamit ka ng yes-or-no question sa halip na diretsahin siya dahil hindi lahat ay may parehong pang-unawa kung ano ang “good social distancing”. Mas oks itanong ang ganito, “Magma-mask ba ang mga bisita?” “Magkakalayo ba ang bawat table?”
OKS LANG KUNG ‘DI KOMPORTABLE. Nahaharap pa rin tayo sa pandemya, kaya oks lang hindi maging komportable kapag may ibang taong kasama, lalo na kung hindi mo naman sila nakasalamuha bago ang party o pagkikita. Lahat tayo ay nag-iingat pa rin, kaya ‘wag tayong mahiya na gawin ito sa lahat ng pagkakataon dahil kailangang iprayoridad ang ating kaligtasan, gayundin ang mga mahal natin sa buhay.
‘PAG NAKALIMUTAN ANG SOCIAL DISTANCING. Bagama’t sinabing dapat naka-mask at oobserbahan ang social distancing, pero makalipas ang ilang oras at napansin mong nabalewala na ang mga ito, it’s time para um-exit. Dehins mo na kailangang magpaliwanag kung bakit mo kailangang umalis dahil oras na hindi ka na komportable sa ginagawa ng ibang guest, mas oks na umalis na lang. Gayunman, dapat sabihan mo ang host na uuwi ka na at magpasalamat sa imbitasyon.
Kung sa una pa lang, alam mo nang mababalewala ang minimum health standards, mas oks na ‘wag na lang pumunta.
Wala namang masama sa pagtanggi, lalo na kung para naman ito sa ating ikabubuti. Marami pang “next time” kung kailan mas safe at oks nang mag-party nang wala tayong ibang iniintindi. Kailangan lang natin masabi nang maayos ang ating desisyon para hindi rin ma-offend ang ating kapamilya o kaibigan na nag-imbita. Copy?
Comments