top of page
Search
BULGAR

Paano malalaman kung nagsasabi ng totoo ang kausap?

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 3, 2020




Mababatay sa body language para malaman kung ano talaga ang sinasabi ng iyong kausap. Nakikipagkuwentuhan ka man o nakikipag-usap sa boss mo, maging sa hindi kakilala ay malalaman mo kung ano talaga ang kanilang nasa isip sa pamamagitan ng lengguwahe ng katawan. Ang mga kilos, facial expressions at bagsak ng boses ay kayang mapigura ang nasa isip nila.


“Ang ating katawan ay may kakayahan na rumesponde sa iba't ibang paraan lalo na kung galit, takot, excited, nag-iisip etc,” ayon sa psychologist na si James Houran., Ph.D.

Ang 93% ng ating sinasabi sa iba ay non-verbal body language. Ang matutunan kung paano basahin ang tao o ang kanilang iniisip ay humahantong sa pag-angat ng popularidad, maayos na relasyon maging sa magandang bentahe ng career.


Kaya next time na makikipag-usap ka sa iba, punahin mo ang senyales na babanggitin, ayon sa body language niya.

1. KAPAG SIYA AY NINENERBIYOS. Hinihimas niya ang kanyang batok. Ito ay universal sign na ayon sa mga eksperto ay bilang alarm gesture. Dahil buking na ang tao, nahuli mo ang kanyang takot, ani Raymond McGrainie, awtor ng The Body Language of flirting, dating and romance. Karaniwan ito na maagang senyales na mangangatwiran ‘yan. Mainam na reaksiyon sa kanya ay sumagot nang mababa ang boses para hindi siya maging defensive, tapos ay ibahin ang paksa ng usapan.

2. KUNG SIYA AY NAG-IISIP. Nasa bandang bibig ang kanyang daliri. Ibig sabihin, hindi niya agad nakukuha ang iyong sinasabi. Ang mga abogado ay madalas tingnan ang jurors upang malaman nila kung may patutunguhan na ang paglilitis. Kung magre-react ka magtanong ng gaya ng, “May gusto ka pa bang itanong?” Ito ang magbibigay sa kanya ng tsansa na iboses ang kanyang alinlangan at iangat mo ang iyong palad bilang pahiwatig na ikaw ay tapat at sinsero.

3. KAPAG MAS MATALINO O MARUNONG SIYA SA ‘YO. Nakasapo ng dalawa niyang palad ang kanyang ulo habang nakasandal siya sa upuan. Ipinakita sa research na ang taong ugali na ang ganito kapag nakikipag-usap ay dama niyang ungos siya sa ‘yo. Sa isang pag-aaral, ang mga negosyante na nakaupo habang ang ulo ay sapo ng kanyang dalawang kamay at nakasandal at may kausap hindi naman ito nagmamataas, bagkus ay nagpi-feeling boss lang.

4. SIYA AY NAGSISINUNGALING. Kapag ang kanyang ilong at tenga ay kanyang kinakamot. “Kapag ang isang tao ay kinukuskos ang kanyang tenga at ilong ay garantiya na siya’y kinakabahan at ang totoo’y nagsisinungaling siya,” ani Hogan, may-akda ng Psychologist of Persuasion. Kapag ang tao ay kinakabahan, ang pagsisinungaling ay kakambal ng nerbiyos, umaakyat nang mabilis ang dugo sa mukha kaya nakakapangati ito ng tenga at ilong. Kaya ang mainam na reaksiyon mo ay “Parang hindi ka yata komportable, okey ka lang?”

Kailangan ng pagsisinungaling ang konsentrasyon, kaya kung sasabihin mo sa kanya ito ay mawawalan siya ng pokus at makakalimutan niya ang kanyang sinasabi at paglulubid ng buhangin.

5. KUNG NANG-AAKIT SIYA SA ‘YO. Tumitingin siya sa ‘yo nang patagilid at pa-beautiful eyes. Karamihan na interpretasyon dito ay nahihiya ang isang tao pero madalas itong senyales ng pang-aakit. “Si Princess Diana ay naging kilala bilang Shy Di dahil sa habit niyang ito ng tingin, pero sa kabila nito ay maraming nagkakagusto sa kanya dahil na rin sa body language niyang ito,” ayon kay Nicholas Boothman, may-akda ng How to make people like you in 90 seconds or less.

6. KAPAG NAKIKINIG NANG MABUTI SA ‘YO. Nakalihis ang kanyang tingin habang ikaw naman ay nagsasalita. Inaakala mo bang si mister ay hindi nakikinig kapag ang kanyang mga mata ay nakalihis o kaya ay nasa isang corner siya nakatitig? Hindi, dahil ang totoo ay pinag-aaralan niya ang mga sinasabi mo. Malaking porsiyento ng tao ay nakalihis ang ulo sa ibang bagay o kaya ay nakatungo kapag may kausap upang maisaisip niya nang husto ang kanyang naririnig.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page