ni Justine Daguno - @Life and Style | October 3, 2020
Sa kabila ng pandemyang nararanasan natin ngayon, buhay na buhay pa rin para sa iba nating kababayan ang diwa ng Kapaskuhan. Marami pa rin ang excited at natutuwang umpisahan ang Christmas decoration sa kani-kanilang tahanan.
At bilang bahagi ng nakasanayan nating tradisyon, paniguradong may mga nagbabalak na rin mamili ngayon. Pero bago ang lahat, make sure na unahin natin ang kaligtasan—sundin ang mga health protocols at tandaan ang ating mga tips sa pagbili ng mga Christmas ornaments o pamaskong pandekorasyon:
1. PILIING MABUTI ANG KLASE NG ORNAMENTS. Kung hindi naman kayo kabilang sa mga nagpapalit ng décor theme kada taon, mas oks kung pumili ng plastic ornaments kaysa glass o ceramic. Mas makakatipid tayo dahil mas mura ito at mas tumatagal pa, kaya hindi kailangang bumili nang bumili o recycle na lang ang mangyayari.
2. IWASAN ANG PAPER-BASED DÉCOR. Halimbawa nito ay parol na gawa sa papel o karton, tinsel, paper lamps etc. Bukod sa madaling masira ang mga ito kapag naka-display na, mahirap din ito itago o i-maintain kapag liligpitin na, dahil ang materyales nito ay hindi naman pangmatagalan. Kaya kung kinakapos sa budget, hindi talaga ito ideal.
3. PUMILI NG MAGANDANG KALIDAD NG RIBBON. Para naman sa mga ribbons, mas oks kung fabric wired ribbons ang pipiliin. Madali itong gawan ng design nang hindi basta nasisira ang materyales. Hindi tulad sa ibang typical ribbon na hanggang pambalot lang ng regalo at hindi puwedeng ipang-design bilang ornament dahil madali lamang masisira.
4. IKONSIDERA ANG SIZE NG DÉCOR. Bukod sa klase at kulay, ikonsidera rin ang laki ng mga bibilhing dekorasyon. Ito ay dahil iniiwasan nating may masayang kapag hindi naman sakto ang mga ito. Kaya naman bago pumunta sa Divisoria o saanmang pamilihan, make sure na may plano at listahan na kayo, at hindi ‘yun doon pa lang kayo magdedesisyon.
5. BUMILI NG CHRISTMAS LIGHTS NA MAY ICC STICKER. Gusto nating lahat ng safe na pagdiriwang ng Pasko. At dahil marami sa atin ang nagde-decorate ng Christmas lights, bago bumili ay siguraduhin munang legal at ligtas ito. Upang makasigurado, piliin ang may ICC o Import Commodity Clearance sticker dahil ibig sabihin, ang produktong ito ay nasubukan o tested ng Bureau of Philippine Standards.
Papalapit na talaga nang papalapit ang ‘ika nga, ‘most awaited season of the year’. ‘Wag ka ma-guilty kung nae-excite o ‘extra’ ang iyong ganap kahit pa may pandemya, oks lang mag-decorate lalo na kung magiging masaya ang inyong pamilya dahil d’yan.
Marahil, ang kasalukuyang taon ang isa sa mga pinaka-kakaibang pagdiriwang ng Pasko na mararanasan nating lahat. ‘Wag sana nitong maapektuhan ang tunay na diwa ng okasyong ito para sa atin. Gets mo?
Comments