top of page
Search
BULGAR

Paano makakaipon kung karampot ang kita?

ni Justine Daguno - @Life and Style | August 8, 2020




Ngayong may matinding krisis na kinahaharap ang ating bansa, marami sa atin ang napapaisip kung posible pa kayang makapag-ipon ng pera gayung halos karamihan sa atin ay minimum wage earner o maliit lamang ang kita.


Karamihan sa atin ay hindi kumikita ng malaking halaga, pero ang gastusin ay hindi nawawala, kaya gustuhin man na mag-ipon, sakto lang ang pera para sa gastusin o pangangailangan o minsan nga ay kapos pa.


Pero ‘wag mag-alala dahil narito ang ilan sa mga paraan para makapag-ipon kahit pa low income earners lamang:

1. PUMILI NG MABABANG HOUSING COST O RENTA SA BAHAY. Gustuhin man natin o hindi, malaking porsiyento sa ating kita ay napupunta sa pambayad sa upa o renta sa bahay. Kaya kung tayo ay umuupa ngunit maliit lamang ang kita, panahon na para maghanap ng mas mababang presyo o budget-friendly na matutuluyan. Sikaping ang renta sa bahay ay hindi lalampas o dapat ay hanggang 30% lamang ng ating kita. Sa paraang ito, paniguradong may matitira o may maitatabi na para sa savings.

2. MAGBAYAD NG UTANG AT IWASAN NANG MANGUTANG. Isa sa mga dahilan kung bakit hindi makapag-ipon ang tao ay dahil bukod sa pangunahing bayarin, tulad ng tubig, kuryente, grocery at iba pa ay baon din ito sa utang. Tandaan na ang utang — sa bangko man o sa tao — ay may interest at sa bawat palya o hindi agad pagbabayad, tumutubo ito na siyang dahilan kaya nagkakabaun-baon. Gayunman, upang makaahon, bawasan ang luho o hindi mahalagang gastusin at iprayoridad munang bayaran ang utang.

3. GUMASTOS NG NAAAYON SA KITA. Kung gusto nating makapag-ipon, sikapin nating magkaroon ng disiplina sa paghawak ng pera. Huwag gumastos nang higit sa kinikita. Wala namang problema kung gusto nating i-spoiled ang sarili pero kailangang may limitasyon ito.

4. MAG-BUDGET SA PAGBILI NG PAGKAIN. Anuman ang diet plan natin, isa pa rin sa pinakamalaking gastusin ay napupunta sa pagkain. ‘Ika nga ng marami, “Tipirin mo na ang lahat, ‘wag lang ang pagkain.” Well, may point naman, pero tandaan na hindi lamang sa pagkain umiikot ang lahat, kaya kailangang balanse lamang ito. Walang problema sa pagkain, ang problema ay kung masisira nito ang budget natin.

5. MAG-IPON MUNA BAGO GUMASTOS. Sa pagtanggap ng suweldo, painitin muna kahit sandali ang pera o ‘wag agad pumunta sa mall, palengke, grocery o ‘wag mamili lalo na kung walang listahan. Kung may savings account, i-transfer agad ang halaga para sa ipon o savings, o kung naka-alkansiya naman, ilagay agad ang para sa ipon. Kumbaga, “auto-kaltas” ang gawin, dahil kung tira lang sa expenses ang gagawing ipon, malabo ‘yan dahil minsan, once na magsimulang gumastos ay sunud-sunod na ito hanggang sa nganga na at next cut-off na lang ulit ang pera.

Totoong hindi madaling mag-ipon lalo na kung suweldo lamang ang ating pinanghahawakan. Pero sa panahon ngayon ay bida ang madiskarte, kaya sa anumang paraan ay dapat matuto tayong maghawak ng pera. Iprayoridad ang pag-iipon dahil hindi lamang tayo nito matutulungan sa ngayon, kundi sa mga susunod pang panahon. Good luck!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page