ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | November 5, 2020
Hindi na kasi natin namamalayan na araw-araw ay pare-pareho na pala ang ating ginagawa at paulit-ulit na lang dahil nga sa bawal lumabas habang may pandemic. Bakit hindi mo subukan ang mga sumusunod na hakbangin upang mas maging adventurous ang buhay kahit nariyan ka lang sa loob ng bahay, sa bakuran at sa inyong subdivision o kalye.
1. Kailangan mong pagsumikapan na maging simple lamang ang buhay at bawasan ang mga bagay nagpapadagdag sa iyong stress at nagpapa-komplika sa iyo. Ito ang unang hakbang upang mahanap mo ang kaligayahan sa mga bagay na iyong gusto-gustong gawin.
2.Kailangan mong pumili ng hobbies na gustung-gusto mo nang gawin pero hindi nagagawa kahit noon pa at ngayon mo na dapat gawin. O kaya ay gawin ang isang bagay na nagawa mo na noon subalit dahil sa kawalan ng oras at sa rami ng iyong commitments sa trabaho ay hindi ka na aktibo rito.
3.Maglakad-lakad o mag-jogging sa lugar at sumubok ng bagong bagay. Subukang magtanim ng halaman, gumawa ng mini-garden na hindi mo dati nagagawa. Maglinis ng buong bahay,magpalit-palit ng puwesto ng muwebles, magre-decorate, mag-drawing, magpintura ng pader, magrecycle ng mga plastik na kagamitan. Manahi ng mga damit, ilabas ang mga lumang tela at tingnan kung anong design ang magagawa. Magluto ng mga bagong resipe na gustung-gusto mong tikman. Ito na ngayon ang magbubukas ng bagong adventure sa iyong buhay.
4. Kung may sarili namang sasakyan puwede namang bumiyahe sa mga kalapit probinsiya o kung may panggastos kahit may pandemya at malakas ang loob mong sumakay sa eroplano para magpunta ng Visayas o Mindanao, go! Habang malakas ka pa ay gawin na ang pagbibiyahe at makapamasyal sa magagandang lugar na pangarap mong mapuntahan. Kailan mo pa ito gagawin, kapag matanda ka na at mahina na ang iyong tuhod?
5.Higit na maging bukas sa bagong mga ideya o kinauugalian at magkaroon ng bagong mga kaibigan sa buhay. Baka sa mga bagong kaibigan mo rin matututunan ang bagong mga pagkakaabalahan o hobby na magpapadagdag sa adventure mo sa buhay. Narito pa ang iba pang tips at payo kung paano magkakaroon ng dagdag na adventure sa iyong buhay at kaligayahan. 6. Kahit sino kasi ay may iisang ginagawa araw-araw, mula sa bahay hanggang sa trabaho. Kaya nga dapat ay hamunin ang sarili na magpokus sa pagsisikap na magawa ito at sikaping magkaroon ng at least isang kakaibang bagay araw-araw!
7.Ano ba ang iyong pananghalian?
Pansinin ang palagiang kinakain kapag tanghalian. Karamihan ay may paboritong karinderia at restaurant ang isang tao. Iisa ang napapansin niyang kanyang inoorder at kinakain. Bakit hindi subukan ang anumang bagay na bago. May posibilidad kasi na maaaring hindi mo na gusto ang nakasanayan at parang nais mong maiba naman.
8.Tumanaw-tanaw sa paligid.
Bakit hindi mo ibahin ang ruta ng iyong daraanan pauwi? Ilang beses ka na bang umuuwi ng eksaktong oras, araw-araw? Para maiba naman ang tanawin ng daraanan o lalakaran, bakit hindi ka umiba ng daan. Tanawin ang ibang paligid. Habang nasa dyip, FX o bus ka ay tanawin ang dinaraanan at tingnan ang tanawin sa labas kung commercial area ay ipamilyar na rin ang sarili sa mga establisimyentong makikita. Kung bukirin, ilog at bulubundukin ang daraanan ay hagurin ng tingin ang ganda ng paligid na dinaanan. Parang sulit na rin naman ang idinagdag mong P10 sa pamasahe kung nakaiinteres naman ang mga bagay na iyong nadaraanan.
9.Subukang gumising nang mas maaga.
Tingnan ang iba pang aspeto ng iyong araw-araw na ginagawa. Tanghali ka ba kung magising at nagmamadali sa pagpasok sa trabaho? Bakit hindi i-set ang alarm clock ng mas advance ng kalahating oras sa karaniwang gising para makapaglakad-lakad muna sa labas? Hindi naman kailangang nagmamadaling lakad, katamtamang paglalakad lang. Iyong mapalakas mo lang ang iyong baga at igalaw ang iyong mga masel ay ayos na. Muli, tandaan na ganyan ang gawing routine para maiba naman.
10. Bumati ng Hello.
Tingnan mo ang mga taong iyong nakakausap? Bakit hindi mo subukan na makipag-usap sa bagong mga tao ngayon? Bakit hindi mo nagagawa ito? Ano ba ang pumipigil sa iyo? Tutal, kung nakita mong may pareho kayong kinahihiligang gawin ay mas maganda. Kung nakikita mo siyang mahilig na mag-badminton ay sumama ka sa kanya. Puwede ninyong mapag-usapan ang tungkol sa ganyang sports, klima, at maging malikhain. Maaari kang masorpresa o magulat dahil kilala ka pala nila, alam nila ang iyong pangalan at friendly ka rin pala. Basta tandaan, mga kapitbahay mo rin at nakakasalubong mo sila.
11. Napakaraming paraan upang mas maging adventurous. Ilarawan ang mga bagay na ginagawa mo nang pare-pareho at subukan na gawin ito nang paunti-unti. Makikita mo, may magagawa ka palang kakaiba araw-araw! Malalaman mo rin na higit mong mae-enjoy ang iyong buhay! Congrats sa bago mong adventure!
Comments