top of page
Search
BULGAR

Paano mag-renew ng SSS Pension Loan Program application?

@Buti na lang may SSS | November 28, 2021



Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay SSS pensioner na naninirahan sa Meycauayan, Bulacan.


Nais ko sanang malaman kung paano mag-renew ng application sa Pension Loan Program. – Tacio


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Lolo Tacio!


Para sa mga magre-renew SSS Pension Loan Program (PLP), hindi na kailangang magtungo pa sa alinmang sangay ng SSS. Simula Setyembre 15, 2020, maaari nang mag-file ng pension loan application ang mga kuwalipikadong SSS retiree-pensioner sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.


Pinoprotektahan ng SSS na manatiling ligtas sa lumalaganap na sakit ang mga miyembro at pensiyunado nito. Dahil dito, ginawang online na ang aplikasyon sa nasabing pautang.


Upang magamit ang pasilidad na ito, kinakailangang ikaw, Lolo Tacio ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Dapat din na ikaw ay mayroon aktibong mobile number at UMID-ATM o kaya’y UnionBank Quick Card.


Kapag nakagawa na ng account Lolo Tacio sa My.SSS, maaari nang mag-file ng iyong PLP application gamit ang My.SSS. Kinakailangan lamang na mag-log in sa iyong My.SSS account at magtungo sa E-Services tab kung saan makikita ang “Apply for Pension Loan.”


I-click ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng uutangin at kung gaano ito katagal babayaran ay i-click naman ang “I agree to the terms and conditions of the program.”


Maaaring i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement. Makatatanggap ng kompirmasyon sa pamamagitan ng email tungkol sa aplikasyon.


Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na mga kondisyon: hindi dapat hihigit sa 85-taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;


walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensiyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS; walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1, 000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200, 000. Dagdag pa rito, dapat ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensiyon ay hindi bababa sa 47.25%. Ang pagbabayad o crediting naman ng iyong inutang ay sa pamamagitan ng iyong UMID-ATM o UnionBank Quick Card.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensiyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan. Kapag katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensiyon, ito ay babayaran ninyo sa loob ng 12-buwan.


Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12-beses ng buwanang pensiyon, ito ay kailangang bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon. Maaari namang makahiram hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount.


***


Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS tulad ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.


Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.


Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.



 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page