@Buti na lang may SSS | July 17, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong itanong kung paano ba kino-compute ang SSS sickness benefit? — Shawn
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Shawn!
Ang benepisyo sa pagkakasakit ay cash allowance na ibinabayad sa miyembro para sa bawat araw na hindi siya makapagtrabaho dahil sa sakit o pagkapinsala ng katawan. Ibinibigay ito sa kwalipikadong miyembro kasama ang mga employed, self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs). Dapat nakapaghulog siya ng hindi bababa sa tatlong buwanang kontribusyon sa loob ng huling 12-buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan.
Para sa mga empleyado, kinakailangan din na nagamit na niya ang lahat ng kanyang company sick leaves. Napakahalaga lamang na tandaan ang 10-day notification period kung saan kinakailangan ng employed member na siya ay makapag-notify sa kanyang employer mula sa unang araw ng kanyang pagkakasakit. Gayundin, binibigyan ang mga employer ng karagdagang limang araw upang ipagbigay alam ang pagkakasakit ng kanyang empleyado sa SSS. Kung sakaling maantala ang pag-notify ng empleyado sa employer at ng employer sa SSS, may kaukulang bawas sa maaaprubahang bilang ng araw ng pagkakasakit ng empleyado.
Samantala, habang tayo’y nasa gitna ng pandemya, ang prescriptive period ng filing para sa hospital at home confinement sa ilalim ng benepisyong ito ay pansamantalang suspendido simula noong Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Maaari namang mapagkalooban ang isang miyembro ng benepisyo sa pagkakasakit ng hanggang 120-araw sa loob ng isang taon at karagdagang 120-araw sa susunod na taon kung magpapatuloy ang dating sakit. Gayunpaman, kung ang pagkakasakit ay tatagal ng higit pa sa 240 araw, siya ay maari nang mag-apply sa ilalim ng SSS Disability Benefit.
Ganito kinukuwenta ang halaga ng sickness benefit. Una, alamin ang semestre ng pagkakasakit. Ang isang semestre ay ang dalawang magkasunod na quarter na nagtatapos sa quarter ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ito ay nagtatapos sa buwan ng Marso, Hunyo, Setyembre o Disyembre.
Ikalawa, alamin ang huling 12-buwan bago ang semestre ng pagkakasakit o pagkapinsala ng katawan. Ikatlo, alamin ang anim na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng nasabing 12-buwan. Ang monthly salary credit ang batayan ng halaga ng benepisyong tatanggapin ng miyembro sa SSS.
Ikaapat, sumahin ang anim na pinakamataas na salary credit upang makuha ang total monthly salary credit. Kailangang i-divide ito sa 180 days upang makuha ang average daily salary credit saka i-multiply sa 90% para makuha ang daily sickness allowance. Kung anuman ang suma nito ay ang karampatang halaga ng benepisyo o daily sickness allowance ng miyembro batay sa inaprubahang bilang ng mga araw ng kanyang pagkakasakit.
Halimbawa, nagkasakit ang isang miyembro ng pitong araw nitong Pebrero 2022. Ang semestre ng kanyang pagkakasakit ay mula Oktubre 2021 hanggang Marso 2022. Ang huling 12-buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay mula Enero hanggang Disyembre 2021. Ipagpalagay natin na ang anim na pinakamataas na monthly salary credit ay P16,000 bawat isa. Samakatwid, ang kabuuang monthly salary credit ay P96,000 at may average daily salary credit na P533.33. Ang 90% ng kanyang average daily salary credit ay P480. Ito ang kanyang daily sickness allowance. I-multiply ang daily sickness allowance o P480 sa pitong araw at ang lalabas na halaga ay P3,353. Ito ang kabuuang benepisyo sa pagkakasakit ng miyembro para sa pitong araw nitong Pebrero 2022.
Dapat tandaan na ang bilang ng araw na bibigyan ng sickness benefit ay ang bilang ng araw na inaprubahan ng SSS dahil ito lang ang babayaran ng SSS sa employer. Malalaman ng employer kung para sa ilang araw naaprubahan ang sickness claim ng miyembro sa aprubadong sickness notification. Kaya matapos maipasa ng employer ang sickness notification sa SSS ay dapat balikan ng representative ng employer sa branch kung saan ito na-file. Kapag nakuha na ang aprubadong sickness notification, maaari nang ipauna ng employer ang benepisyo.
***
Nais naming ipaalam sa mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioner na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments