ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 25, 2022
Nagluluksa ang buong showbiz industry dahil sa pagpanaw ng Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Jesusa Sonora Poe na mas kilala sa tawag na Susan Roces na labis na ikinalungkot hindi lang ng mga tagahanga kundi ng mga kapwa niya artista.
Si Ms. Roces ay hindi iba sa akin dahil ninang namin siya sa kasal ng aking maybahay na si Lani Mercado-Revilla kaya medyo apektado talaga ako nang una kong marinig ang balita hinggil sa kanyang pagpanaw.
Kaya bilang senador ay naghain ako ng isang resolusyon na nagpapahayag ng sinserong pakikiramay ng buong Senado para sa pagpanaw ng tinaguriang Reyna ng Pelikulang Pilipino.
Maraming pagkakataon na ang Senate of the Philippines ay kinikilala at binibigyan ng parangal ang mga kapita-pitagang Pilipino dahil sa hindi nila matatawarang narating at kontribusyon sa kanilang larangan na nagdulot ng positibong impluwensiya sa ating lipunan.
Kabilang na r'yan ang mga atletang nag-uwi ng medalya sa bansa mula sa pakikipagtunggali sa ibang bansa at mga kandidatang nagwagi mula sa mga beauty pageant at iba pang magiting na Pilipino na nag-uwi ng karangalan sa bansa.
Kaya marapat lamang na magbigay-pugay ang buong Senado lalo pa’t ang pumanaw ay hindi naman isang ordinaryong aktres dahil isa ito sa haligi ng pelikulang Pilipino at ina pa ng isa sa Senador ng bansa na si Grace Poe.
Si Ninang Susan na tumagal ng pitong dekada bilang aktres na hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay nagtatrabaho pa rin ay binawian ng buhay noong Mayo 20, 2022 ng gabi sa edad na 80 dahil sa cardiopulmonary arrest.
Marami ang naging artista ngunit karaniwan ay tila nagdaan lamang at makaraan ang ilang panahon ay bigla na lamang naglaho na kakaiba sa tinahak na landas ni Ms. Roces dahil walang sandali na tumamlay ang kanyang pag-aartista hanggang sa siya ay bawian ng buhay.
Ang Reyna ng Pelikulang Pilipino ay ipinanganak noong Hulyo 28, 1941 at sa edad na sampung taon ay nagsimula na ito bilang isang child performer hanggang sa gawin na nito ang kanyang kauna-unahang starring role sa pelikulang ‘Boksingera’ noong 1956.
Mula noon ay mas lalo pang sumikat si Ninang Susan at naging blockbuster superstar kung saan ay nakagawa ito ng mahigit sa 130 pelikula na hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay ay kabi-kabilang endorsement pa ng kung anu-anong produkto ang kanyang pinagkaabalahan.
Bukod sa pagiging Reyna ng Pelikulang Pilipino ay siya rin ang asawa ng ‘Hari ng Pelikulang Pilipino’ na si Fernando Poe, Jr. na isang National Artist for Cinema na kanyang ring nakapareha sa 17 pelikula kabilang na ang ‘Daigdig Ko’y Ikaw’ (1965), ‘Zamboanga’ (1966), ‘Perlas ng Silangan’ (1969), ‘Ikaw ang Lahat sa Akin’ (1969) at marami pang iba.
Si Ninang Susan na kilala rin bilang si Lola Flora dahil sa anim na taong teleserye na “FPJ” Ang Probinsiyano ay sinuportahan din sa mahabang panahon ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) at kilala ito sa kabaitan pagdating sa mga maliliit na manggagawa sa showbiz industry.
Isang matatag na haligi at napakaliwanag na tala sa mundo ng pelikula si Ninang Susan, wala man naging pagkakataon na magkasama o magkatrabaho kami sa harap ng camera, dama ko ang impluwensiyang dala niya sa mundong pareho naming ginagalawan.
Napakalaki ng impact nila ni Ninong Ron sa akin, ang kanilang puso at pagmamahal sa bawat manggagawa sa industriya ay alamat sa lahat ng gumagalaw sa mundo namin. Kaya nga ‘yang FPJ studios, daig pa ang ampunan sa dami ng sumisilong sa kanila, na kanila namang kinukupkop at inaaruga.
At kung gaano kakilala si Ninang Susan dahil sa ganda ng kanyang puso, ay ganoon din ang respetong tinatamasa niya dahil sa kanyang tibay at paninindigan na naging huwaran na bilang isang kagalang-galang na alagad ng sining sa pinilakang tabing. Bawat aktres ay nangangarap na maging isang Susan Roces.
Nong 2011, ay mismong si Ninang Susan ang nag-abot sa Daddy ko (Ramon Revilla, Sr.) ng 33rd CMMA Lifetime Achievement Award at sa selebrasyon ng 108th Year of Philippine Cinema ay kapwa sila pinarangalan ni Daddy bilang ‘Natatanging Bituin ng Siglo’ ng pelikulang Pilipino.
Masasabi kong napakapalad namin ng maybahay kong si Lani na maging isa sa kanilang inaanak ni Ninong Ron at buong pusong tinanggap sa kanilang pamilya kaya itinuturing namin silang pangalawang magulang.
Kaming mga nakababatang artista ay talagang tinitingala ang tinaguriang “power couple”, ang Hari at Reyna ng Pelikulang Pilipino. Sana ay maging katulad nila kami na may mahaba at matagumpay na karera.
Lumisan si Ninang Susan nang may hindi malilimutang pamana sa entertainment industry na tumagal ng may 70 taon na hindi lahat ng artista ay kayang magtagal sa industriyang ito ng ganoon kahabang panahon, at manatili sa tugatog ng kanilang karera na patuloy na tinatangkilik at minamahal ng mga manonood.
Si Ninang Susan lang ang nakagawa n’yan at napakalaki ng aking panghihinayang dahil hindi ko man lamang siya nakasama sa kahit isang pelikula man lang sana.
Bagama’t marami ang nagluluksa ay panatag naman ang kalooban ng lahat dahil inaasahang nasa mas mabuti kang lugar, kapiling mo nang muli si Ninong Ronnie at hinding-hindi na kayo mapaghihiwalay kailanman.
Paalam po, Ninang Susan. Mahal po namin kayo. Paki-kumusta po si Ninong Ron at si Daddy para sa amin.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments