ni Gerard Arce @Sports | August 1, 2024
Tatangkain ni Pinay southpaw Aira Villegas na mapahaba ang pananatili sa Summer Olympic Games laban kay No.2 seed Roumaysa Boualam ng Algeria sa round-of-16 ng women's 50kgs category, habang kailangang magwagi sa isa pang laban si Carlo Paalam upang makuha ang medalya sa men's 57kgs ng 2024 Paris Olympics boxing tournament sa North Paris Arena sa Roland Garros, France.
Bukod sa panalo, nais ni Villegas na maging regalo ang laban sa kanyang 29th birthday na ipinagdiwang kahapon upang talunin ang 2-time African Championship titlists mula Algeria na may hawak ng Bye bandang alas-2:16 ng madaling araw ngayong Biyernes.
“Same pa rin kami,” bulalas ni women's headcoach Reynaldo Galido. “Kailangan na ‘wag kami magpabaya. [Kung] kailangan na kung kaya naming makalamang sa first round, [dapat] gawin niya na.” Sakaling makalusot si Villegas ay maaaring makatapat nito ang magwawagi kina hometown bet Wassila Lkhadiri ng France at 2018 European Youth at 2017 Junior gold medalists Daina Moorehouse ng Ireland sa q'finals sa Sabado ng 10:50 ng gabi.
Puntirya namang makalusot sa siguradong medalya sa semis si Paalam matapos ang 5-0 unanimous decision win laban kay Jude Gallagher ng Ireland sa men’s bantamweight class Sunod na makakatapat si Australian at No.4 seed Charlie Senior na nakatakdang makaharap sa Sabado ng gabi 9:46.
Nananatiling kumakampanya para sa Pilipinas sa boxing si Tokyo Games silver medalist Nesthy Petecio na sunod na makakalaban si hometown bet Amina Zidani ng France sa Sabado ng madaling araw ng 2 a.m, habang patuloy ng nagpaalam sa kontensyon sina Tokyo Games bronze medalist Eumir Felix Marcial sa men’s 80kgs at Hergie Bacyadan sa women's 75kgs division.
Comments