@Editorial | June 25, 2021
Sa edad na 61, pumanaw na ang dating pangulo na si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Una nang kinumpirma ng isang miyembro ng Pamilya Aquino at ilang malalapit na kaibigan ang pagpanaw ni ex-P-Noy sa Capitol Medical Center.
Renal disease secondary to diabetes umano ang sanhi ng pagkamatay ng dating pangulo.
“He died peacefully in his sleep,” pahayag ng kanyang kapatid na si Pinky.
Si Aquino ay ang ika-15 pangulo ng bansa na nagsilbi mula 2010 hanggang 2016.
Sa kanyang inaugural speech sa Quirino Grandstand, tumatak sa sambayanan ang sinabi niyang, “kayo ang boss ko!”, gayundin ang pagbabawal niya sa wang-wang na aniya’y inaabuso ng ilang taga-gobyerno para makalusot sa trapiko. Ang tagline ng kanyang administrasyon ay ‘Daang Matuwid’.
Kaugnay nito, inilagay sa half-mast ang bandila sa Palace compound, na bahagi ng pakikidalamhati ng Malacañang. Pinasalamatan ng Palasyo ang yumaong pangulo sa paglilingkod nito sa bansa at mamamayang Filipino, gayundin din sa mga naging kontribusyon nito bilang halal na opisyal.
Masasabing naging makulay at kontrobersiyal ang anim na taon sa panahon ni ex-P-Noy, pero ‘ika nga, naging bahagi ito ng ating kasaysayan. Tulad ng iba pang mga nagdaang administrasyon, bagama’t may mga hindi pagkakaunawaan dahil sa magkakaibang paniniwala o prinsipyo, palagi naman itong may iniiwan na aral, na sana’y pinupulot natin para magamit sa mga susunod na panahon.
“Taos-pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ni dating Pangulong Aqunio. Paalam at maraming salamat, P-Noy.”
Комментарии