Paalam at maraming salamat, monsi Dan!
- BULGAR
- Mar 6, 2021
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 6, 2021
Hindi na kami nag-abot sa seminaryo dahil matagal pa bago siya bumalik. Matagumpay na siyang propesyunal sa isang kumpanya sa Estados Unidos. Maganda ang kanyang trabaho at maganda rin ang suweldo. Ngunit, iniwan niya ang lahat upang sundin ang tawag ng Panginoon. At dahil nakapagtrabaho na siya nang matagal, marami nang nakitang iba’t ibang sulok ng mundo, marami at iba’t ibang uri na ng tao ang kanyang nakasalumuha, malalim at buo na ang kanyang pagsunod sa tawag na kanyang narinig. Siya si Msgr. Daniel B. Sta. Maria, ang aming monsi Dan ng Diyosesis ng Cubao.
Nagretiro na si Monsi Dan bago pa magpandemya ngunit dahil kulang kami sa pari, napakiusapan pa siyang maging administrador ng parokya. Hindi naman ito tumanggi sa kabila ng edad niya noon na higit nang pitong pu’t limang taon. Marahil iyon na talaga ang isinisigaw ng kanyang pagkatao.
At sa mga unang-araw ng Pebrero, unti-unti nang nanghina si Monsi Dan hanggang nagpadala na ito sa ospital kung saan nalagutan na ito ng hininga noong nakaraang ika-25 ng Pebrero 2021. Siya ay pitung pu’t walong taong gulang na. Hindi na bata ngunit hindi rin ganoong katanda.
Marami nang naging puwesto at assignment si Monsi Dan mula kura-paroko hanggang sa Vicar General; Moderator Curiae at Oeconomus (Tresurero ng Diyosesis). Mahalagang tingnan ang pag-uugali; kakayahan at kahandaang maglingkod at magtrabaho ni Monsi Dan. Hindi lang siya inspirasyon para sa aming mga pari kundi para sa lahat. Tingnan natin kung bakit.
Una, buo at malakas ang kanyang loob. Dahil dito, hindi siya takot magtaya. Marahil mas gugustuhin pa niyang mabigo na nagsisikap kaysa tuluyang walang matapos o magawa dahil ayaw niyang gumawa ng anuman o tumaya sa mga merong lantaran o tagong banta ng kabiguan.
Pangalawa, meron siyang pananaw sa kinabukasan at pangarap, “vision” sa Ingles. Nakikita niya kung ano ang maaaring ibungang maganda o kapaki-pakinabang ng anuang proyekto. Sa kabila ng hindi tiyak na kinabukasan, pilit niyang titingnan at marahil papangarapin ang isang magandang kinabukasan para sa diyosesis ng Cubao at para sa sinasakupan nitong mga pari, relihiyoso at layko.
Pangatlo, madali siyang makipag-kaibigan at marunong din siyang sumuporta o tumulong sa kanino mang nangangailangan, humiling man ito o hindi. Napakadami niyang natulungan at nabahaginan, panahon, payo o pera hindi niya ipinagkakait. Noong tayo ay pansamantalang naglingkod at nagmisyon sa iba’t ibang lugar mula Tsina hanggang Hong Kong; Palawan; at misyonerong Pransiskano, palagi siyang may munting paabot sa akin sa aming maikli ngunit makabuluhang kuwentuhan.
Pang-apat kung meron kang pangarap o nais gawin, titingnan niya kung paano ka niya matutulungan at maaalalayan hanggang sa matupad mo ito.
Panlima, matindi at masigla ang kanyang tawa at tuwa. Naririnig kong kay linaw-linaw ang kanyang tawa kapag siya’y natutuwa. Damang-dama mong naririyan siya dahil laging puno at buo ang kanyang pagkatao, damdamin, kaisipan, kabutihan.
Pang-anim, palaging nasa puso at isip niya ang kapakanan ng diyosesis ng Cubao. Kitang-kita at damang-dama natin ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit para sa kapakanan ng kaparian, manggagawa at layko ng mga parokya, iba’t ibang institusyon na bumubuo sa diyosesis. Maaaring sabihing nabuhay at namatay siya para sa diyosesis, sa simbahang kanyang mahal.
Pampito, sa panahon ng matinding takot at hamon dahil sa panganib ng pandemya, nagbigay siya ng halimbawa ng bukas-palad na pagbibigay ng sarili bilang paring lingkod ng Diyos at tao, paring kaibigan at dsipulo ni Kristo. Retirado na siya at maaaring lubos na nagingat na lamang sa isang ligtas na lugar, ngunit, tulad ng isang tapat na sundalo ni Kristo, namatay siyang naglilingkod, humaharap sa panganib na hindi tinitingnan, tinutuos ang mabigat, maging masaklap na singil nito.
Salamat sa lahat-lahat Monsi Dan. Ngayong Taon ni San Jose, tunay mong ipinakita, tulad ni San Jose kung paano maging tunay na ama, kaibigan, taimtim at tapat na kasama, kalakbay, kaagapay ni Kristo. Kahanga-hangang sinimulan at tinapos mo hindi lang ang napakadaming mga magagandang programa at proyekto sa mahal mong diyosesis. Higit sa lahat, tulad ng kandilang nakasindi, ang buhay mo ay nagningning sa liwanag ni Kristo hanggang sa pinaka-huling sandali nito. Hanggang ngayon, bagkus ubos na ang kandila, mananatiling laging nakasindi pa rin ang bukod tanging apoy at halimuyak nito sa puso naming lahat.
Kommentare