top of page
Search
BULGAR

Paalalang makinig sa babala para ‘di mapahamak

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 16, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Maricris na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ang tanong ko ay tungkol sa panaginip ng asawa ko. May kaibigan siya na namayapa na noong November 14. Nasa ibang bansa ang asawa ko ngayon, tapos napaniginpan niya ‘yung kaibigan niya na niyakap siya at sinabing sa January 22, babalian siya ng buto. Bumaba lang daw siya para sabihin sa kanya ‘yun.


Ano ang ipinapahiwatig ng panaginip niyang ito? Sana ay masagot n’yo ako dahil nag-aalala ako kasi nasa ibang bansa ang asawa ko.


Naghihintay,

Maricris


Sa iyo, Maricris,


Una, dapat mag-ingat ang asawa mo, lalo na sa araw na sinabi ng kaibigan niya sa kanyang panaginip at huwag kang gaanong mag-alala dahil ang ilang panaginip tulad ng tinutukoy mo ay isang babala.


Pero talaga rin namang hindi maiiwasang ikaw ay mag-alala dahil siya ay iyong asawa at nasa malayong lugar. Gayunman, muli, ang panaginip na ito ay isang babala. May mga nag-aakala na dahil napanaginipan ay agad-agad na magkakatotoo dahil ang panaginip minsan ay napagkakamalang hula.


Ano ba ang kaibahan ng babala sa hula?


Ang babala ay puwedeng hindi mangyayari dahil ito ay isang babala lamang, pero ang hula ay tiyak na mangyayari. Minsan, ang babala ay magiging katuparan ng hula dahil kung hindi pakikinggan ng tao ang babala, tiyak na mangyayari ito.


Napansin mo ba ang mga nakalagay na babala sa mga kalsada, “Mag-ingat! Marami na ang namatay dito” o kaya “Bawal tumawid! Gamitin ang footbridge!”


Kung hindi makikinig ang tao, mapabibilang siya sa mga naaksidente, pero kung susundin niya ang babala, ‘di ba, hindi naman siya mapapahamak?


Dahil dito, bukod sa mismong petsa na January 22, ang iyong asawa ay pinag-iingat din sa mga petsang kung tawagin ay “Numero Kuwatro” tulad ng ika-4, 13, 22, at 31 at siya rin ay pinag-iingat sa mga petsang ika-8, 16 at 26 o mga “Numerong Otso”.


Minsan, ang mga numero ay nag-aanyong tao. Oo, iha, kahit hindi aktuwal na petsa o numero, may tinatawag na Taong Kuwatro at Taong Otso, kaya dapat ding pag-ingatan ng asawa mo ang mga ganu’ng klaseng mga tao.


Muli, iha, ang hindi nakikinig sa mga babala ay maaaring mapahamak at ang babala, kapag binalewala, ito rin ay magiging isang hula na anumang sandali ay maaaring matupad at magkatotoo.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page