top of page
Search
BULGAR

Paalala na panahon na para harapin ang kinatatakutang karanasan

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 21, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Joy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong may humahabol sa akin, tapos pagdating sa itaas, binigyan ako ng kumpare ko ng itak na kawayan. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Joy

Sa iyo, Joy,


Oo, may humahabol sa iyo sa tunay na buhay, kumbaga, ang iyong panaginip ay nagpapahayag lang ng katotohanang sa iyo ay may humahabol. Pero sino o ano nga ba ang humahabol sa iyo? Ang sagot, hinahabol ka ng iyong nakaraan kung saan nagkamali ka, pero hindi mo naituwid o hindi mo nagawan ng paraan ngayon.


Kaya naman, nagsasabi ang iyong panaginip na muling babalik sa iyo ang ganu’ng pangyayari o sitwasyon, kaya ang payo sa iyo ay huwag mong takasan, sa halip, ito ay iyong harapin.


Kaya kawayan ang itak na ibinigay sa iyo ng kumpare mo ay dahil ang muling magbabalik na pangyayari sa buhay mo ay hindi naman talaga nakakatakot, kumbaga, kawayan lang ang kanyang katapat. Kaya muli, huwag mong takasan, sa halip, ito ay iyong harapin.


Sa panaginip, ang humahabol ay ang nagawang pagkakamali ng nanaginip, na kapag napanaginipan niya, ibig sabihin ay binibigyan siya ng pagkakataon na ito ay itama. Sabi nga, this time, what is right must be done.


Ang isa pang mahalagang dapat mong malaman ay sa iyong nakaraan, nang ikaw ay bata pa, may nagkagusto sa iyo na isang matanda na malayo ang edad sa iyo at noong ikaw ay kanyang matitigan, pumasok sa isip mo na siya ay may pagnanasa sa iyo kaya natakot ka at umiwas.


Sa ngayon, mayroon muling matanda na may pagnanasa sa iyo at ito ay makikita sa mga titig niya. Huwag kang matakot at huwag mo itong iwasan. Sa halip, gamitin mo ang ibig sabihin ng itak na kawayan na nagpapahiwatig na ang matanda ay para sa matanda. Ang pangit ay para sa pangit. Ang mahilig ay para sa mahilig.


Kalimutan mo na ‘yung nabanggit na ang pangit ay para sa pangit at ang mahilig ay para sa mahilig. Bagkus, ang ilagay mo lang sa isip mo ay ang matanda ay para sa matanda. Ito ang iparating mo sa kanya dahil ito ang kailangan niyang malaman at ito rin ang payo ng iyong panaginip.


Pero kung ikaw ay maganda, ang maganda ay para sa guwapo pero hindi sa matandang guwapo. At ang mahilig na para sa mahilig ay ginagamit lang naman sa matatanda na marami nang pinagdaanan na nagpapatunay sa kanilang pagiging mahilig.


Muli, harapin at huwag mong takasan o iwasan ang humahabol sa iyo. Ngayon na ang pagkakataong maisaayos mo ang isang nakaraan na naiwanang nakasalalay sa iyong pinakamalalim na kamalayan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page