ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 13, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Ailene na ipinadala sa Facebook Messenger
Dear Professor,
Napanaginipan ko na lumubog sa baha ang bahay namin. Umapaw ‘yung ilog, tapos mabilis ang pangyayari. Lubog agad ang bahay namin, pero nakapunta kami sa bubong, tapos may helicopter na kumuha sa amin.
Pabalik-balik ‘yung mga helicopter sa paglilipat ng aming mga kapitbahay. Sa evacuation center, maganda naman ang trato sa mga tulad naming biktima ng baha. Maraming pagkain at kahit ano’ng oras ay puwedeng kumain dahil palaging may lutong kanin at ulam.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko? Matutulad ba kami sa Marikina tulad noong bagyong Ondoy? Sana ay masagot n’yo. Maraming salamat!
Naghihintay,
Ailene
Sa iyo, Ailene,
Dito sa atin sa ‘Pinas, kung ating babalikan ay tila sunud-sunod ang mga negatibong kaganapan. Sa pagpasok ng Bagong Taon, sa pagputok na Taal Volcano ay nagkagulo na ang maraming tao.
Hindi pa natatapos ang paghihirap sa pagsabog ng bulkan, COVID-19 pandemic naman ang ating kinatakutan.
Nang alisin ang lockdown dahil humina na ang COVID-19, sunud-sunod ang mapaminsalang bagyo.
Sa ganitong katotohanan, ang maraming Pinoy ay hindi maiiwasang maging negatibo at mag-isip ng kung anu-ano pang mga puwedeng mangyari na nasa klase ng delubyo.
Kaya, iha, bilang pagtatapat sa iyo, sa ngayon ay hindi ka nag-iisa dahil ang iba ay nananaginip din ng baha at iba pang sakuna.
Lakasan mo ang loob mo, bagama’t marami ang mga nangyayaring hindi maganda, makikita rin na ang mamamayan ay walang sawang nagtutulungan.
Ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip. Muli, lakasan mo ang iyong loob dahil sa gilid ng makakapal at maiitim na ulap, may kumikislap na mga liwanag.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments