ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | May 26, 2024
Nakakagulat ang mga lumalabas na pahayag mula sa aming mga kapwa senador na ang namamagang paa pala ni Sen. Bong Revilla Jr. ang dahilan kaya napatalsik sa puwesto si dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Sa isang interview, sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na ang pagtanggi ni Sen. Zubiri na payagan si Sen. Revilla na padaluhin sa plenary sessions virtually ang dahilan kaya nagalit ang mga senador na nag-udyok para patalsikin ang dating Senate president.
Matatandaang sina Sen. Francis Tolentino at Sen. Francis Escudero ang nag-move para payagan si Sen. Revilla na dumalo sa online session.
Hindi ito pinayagan ni Sen. Zubiri. Ayon kasi sa patakaran ng Senado, ang virtual attendance ng mga senador ay para lamang sa mga may 2019 coronavirus.
☻☻☻
Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng pulitika sa bansa na nagkaroon ng kapangyarihang magpatalsik sa puwesto ang isang paa.
Medyo weird isipin na sa dinami-dami ng conspiracy theories na nagsilabasan sa likod ng kudeta sa Senado ay isang namamagang paa lang pala ang dahilan ng pagpapatalsik kay Sen. Zubiri.
Kung ‘yung paa ang dahilan ng pagkatanggal sa puwesto ni Sen. Migz, masasabi natin na kailangan nilang ipakita ang kanilang best foot forward.
At habang sama-sama sila para sa paa ni Sen. Bong Revilla, naninindigan kaming Solid 7 na tutukan ang kapakanan ng ating bansa at mga kababayan.
Makakaasa kayo na patuloy tayong magsisilbing tagapagmasid at active fiscalizers sa 19th Congress.
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask ‘pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comentarios