ni Lolet Abania | March 27, 2022
Nakasabat ang anti-drug operatives ng tinatayang P900,000 halaga ng hinihinalang shabu, habang arestado ang isang suspek sa isang buy-bust operation sa Davao City nitong Sabado, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang Facebook post ngayong Linggo, kinilala ng PNP ang suspek na si Arnulfo Ferraren Sefuentes alyas ‘Tata’, 47-anyos, residente ng Fatima Village, Bajada, Barangay 19-B, Davao City na inaresto sa isang anti-drug operation.
Si Sefuentes ay nasa 4th top drug personality sa Davao region (Region 11) at kinokonsiderang isang high-value target (HVT) ng pulisya. Batay sa police report, bandang alas-12:08 ng hatinggabi nagkasa ng buy-bust operation ang Regional Special Operations Group 11, kasama ang mga law enforcement agencies sa R. Castillo St., Barangay Lapu-Lapu, Agdao, Davao City.
Nakumpiska kay Sefuentes ang mga sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang sa 57 gramo na may street value na P912,000.
“Our focus is to further intensify the campaign against illegal drugs and to improve the quality of operations where policemen should focus more on High-Value Targets and higher grams of drugs confiscated per operations,” pahayag ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos.
Nasa kustodiya na ng Sta. Ana police si Sefuentes habang inihahanda na rin ang kaukulang kaso sa korte laban sa kanya.
Comments