ni Lolet Abania | June 27, 2021
Pinal nang nai-release ng Department of Budget and Management (DBM) ang P9.02 bilyong pondo ng Department of Health (DOH) para sa special risk allowance (SRA) na nakalaan sa mga medical workers sa buong bansa na inaasahang maibigay nang hanggang Hunyo 30, 2021.
Ayon kay DBM Assistant Secretary Kim Robert de Leon sa interview ngayong Linggo, nai-release na ng ahensiya ang pondo para sa DOH noong Hunyo 25, kung saan matatanggap ang monthly allowance na hanggang P5,000 ng mahigit 300,000 health workers ng parehong mga pribado at pampublikong ospital na nangangalaga sa mga COVID-19 patients.
Sinabi rin ni De Leon na nakasakop ang monthly allowance ng mula Disyembre 2020 hanggang June 30, 2021. “Maaasahan ng mga health workers na maire-release ng DOH ang SRA hanggang June 30, 2021,” ani De Leon.
Sa tanong kung kakayaning matapos ito at maibigay ang mga allowance ng health workers sa natitirang tatlong araw, ani De Leon, “They (DOH staff) are starting to process na beginning Friday para masiguro na magagamit ito definitely by June 30.”
Paliwanag pa ni De Leon, ang pera para sa SRA ay nanggaling sa hindi nagamit o natirang pondo mula sa Bayanihan 2 Law o “Bayanihan to Recover as One Act,” na nakatakdang mag-expire sa Hunyo 30.
Comments