ni Lolet Abania | March 22, 2022
Inianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Martes na nasa P703 milyon halaga ng fuel subsidies ang nai-release na sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, sakop ng fuel subsidies ang kabuuang 108,164 benepisyaryo na nakatanggap ng P6,500 per unit kaugnay sa Pantawid Pasada Program ng gobyerno.
Ang pamahalaan ay naglaan ng inisyal na P2.5 bilyon para makapagbigay ng mga fuel vouchers sa 377,000 kuwalipikadong mga public utility vehicle (PUV) drivers sa buong bansa sa gitna ng magkakasunod na pagtaas ng pump prices.
“Pinapaalalahanan ang mga operators /drivers, na ang halaga na kanilang matatanggap na fuel subsidy sa ilalim ng programang ito ay maaari lamang gamitin para sa pagbili ng kailangan nilang krudo,” giit ni Cassion sa isang statement na inilabas sa mga reporters.
Sa ilalim ng Pantawid Pasada Program, ang mga drayber ng PUVs ay mabibigyan ng financial aid na magiging pantakip sa mas mataas na presyo ng mga prduktong petrolyo, kung saan umabot na ito sa 11 na magkakasunod na pagtaas mula sa nakalipas na 12 linggo.
Bagaman ang mga kumpanya ng langis ay nagpatupad ng rollback ngayong Martes, hindi pa rin ito sapat para makabawi sa 11 linggong sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo noong mga nakaraang linggo.
“Patuloy ang LTFRB sa pagproseso ng fuel subsidy sa iba pang mga benepisyo. Nakikipag-ugnayan ang ahensya sa Land Bank of the Philippines para mapabilis ang implementasyon ng buong programa,” sabi pa ni Cassion.
Noong nakaraang linggo sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang mga jeepney drivers ang unang mga benepisyaryo ng naturang programa, subalit ang ibang uri ng transportasyon ay maghihintay naman hanggang sa ikalawang quarter dahil sa tinatawag na logistical issues.
留言