ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 19, 2021
Kinansela ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng apat na set ng high-end laptops na nagkakahalagang P700,000 na dapat ay gagamitin para sa “data analysis” team ng ahensiya.
Pahayag ni DOH Knowledge Management and Information Technology Service Director Enrique Tayag sa isinagawang Blue Ribbon Committee hearing para sa pandemic response funds ng ahensiya, “Kinansel na po namin ‘yan, sapagkat naghahanap kami ng funds para sa kailangan ng aming CHD (Centers for Health Development), particularly diyan sa Baguio General Hospital and Medical Center kasi kailangan po nila ng IT support.”
Aniya pa, “‘Yan ay gagamitin sana ng aming mga developers. Hindi naman puwede na ‘yung ordinaryong laptop lamang.
“‘Yung opisina ko kasi, kailangan namin, kami ‘yung gumagawa ng mga registry. Halimbawa, ‘yung bakuna registry, kailangan naming mailagay at ma-visualize para maiparating sa mga policy makers kung ano ‘yung datos at kailangan.”
Samantala, hindi sinabi ni Tayag kung ano ang brand ng mga naturang laptops dahil hindi naman umano natuloy ang pagbili ng ahensiya ngunit aniya, “May analytics, so kailangan namin talaga ng mas upgraded na computer. Kung hindi kasi, kung ordinaryo lang, mabagal, eh, inaantay ‘yung analytics.”
Komentar