top of page
Search
BULGAR

P7 milyong pinagpaguran, nasayang… K, INATAKE NG SAKIT DAHIL SA STRESS SA BAHAY

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 13, 2021




Naging emosyonal si K Brosas habang ibinabahagi sa virtual mediacon kahapon ang hirap na pinagdaanan niya sa pagpapagawa ng kanyang bahay sa Quezon City.


Matatandaang last Friday ay ipinost ni K sa kanyang social media accounts ang paghahain niya ng pormal na reklamo laban sa mga contractors na kinontrata niya para gawin ang kanyang bahay.


Sa kuwento ni K sa kanyang post, mahigit 7 million pesos na ang kanyang naibigay sa contractors pero inabandona raw ang kanyang bahay at hindi na tinapos.


“Nakakalungkot lang na kahit malaking pera na ang naibigay ko at kung tutuusin, tapos ko na ang pagbabayad sa buong halaga, mahigit kumulang 7 milyon, inabandona pa ng pinagkatiwalaan ko ang nasabing bahay,” ang bahagi ng kanyang post.


Sa virtual presscon kahapon ay ibinahagi ni K ang ibang detalye ng pangyayari.


Kuwento niya, taong 2018 daw nang magsimula siyang magpatayo ng bahay. May kinausap siyang contractor at sa loob ng isang taon ay nabayaran niya ito in full.


“Binayaran ko in one year, buo, cash, and then, dapat tapos na siya (ang bahay), may kontrata naman po kami, legal lahat. Hindi natuloy, hindi natapos. Siyempre, stress ‘yun, ‘di ba? Kasi nakapagbayad na po tayo ng malaking halaga,” kuwento ni K.


Pinag-ipunan daw niya ang perang ibinayad at talagang binayaran niya nang buo dahil ayaw daw niyang mangutang or mag-loan sa bangko. Ayaw daw niya nang may iniintindi pang utang.


Mga kaibigan daw niya ang kinuha niya para i-construct ang bahay na kumbaga ay talagang pinagkakatiwalaan niya.


Wala pa raw 35% ang naitayo sa kanyang bahay at pagkatapos daw ay inabandona na ng mga contractors. Ilang beses na raw siyang nakiusap at iniyakan pa niya ang mga ito na kung hindi kayang tapusin ay ibalik na lang ang kanyang pera. Pero wala raw nangyari sa kanyang pakiusap kaya napilitan na siyang magsampa ng kaso.


Napaiyak si K habang ibinabahagi kung paano nawasak ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng simpleng bahay.


“Napakasimple lang po ng bahay, wala pong swimming pool, para sa amin lang po ng anak ko. Ang pinaghandaan ko lang po ru’n, ‘yung walk-in closet, tapos ‘yung mala-spa na banyo. ‘Yun lang.


“Tapos, puro pangako. So, ‘yung anxiety disorder ko, nag-peak. Tapos, siyempre, mga naging kaibigan mo, kaya mas masakit,” emosyonal na sabi ni K.


“Masakit kasi, ang tagal kong nakiusap, ang tagal kong nagmakaawa pero walang nangyari. Kailangan talagang umabot sa ganito, kasi parang wala nang respeto,” she said.


Ayaw nang idetalye pa ni K kung ano ang kasong isinampa niya at kung sinu-sino ang taong involved.


Sa ngayon ay naghihintay daw sila ng sagot mula sa kabilang kampo and from there, saka pa lang malalaman ang susunod na hakbang.


Plano pa rin niya of course na ituloy ang pagpapagawa ng kanyang dream house pero kailangan muna niya ulit mag-ipon. Thankful naman siya na may mga dumarating na projects at hindi naman siya pinababayaan ng kanyang management, ang Cornerstone Entertainment at lagi naman daw siyang binibigyan ng labada (raket).


Kasalukuyan siyang napapanood sa Sing Galing ng TV5 as one of the hosts at may pelikula rin siyang malapit nang ipalabas, ang Will You Marry with Elisse Joson na kinunan pa sa Denmark.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page