ni Lolet Abania | March 30, 2022
Target ng Department of Trade and Industry (DTI) na maglabas ng P600-milyong halaga ng suportang pagkabuhayan para sa mga maliliit na negosyo at kumpanya, subalit nangangailangan ito ng exemption mula sa election ban patungkol sa spending o paggastos.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, layon ng ahensiya na magbigay ng 105,394 livelihood kits, kabilang dito ang 1,500 benepisyaryo para sa bawat rehiyon sa Abril, Mayo, at Hunyo, na nakatumbas ng 300 hanggang 400 livelihood kits kada probinsiya.
Gayunman, binanggit ni Lopez na nananatili pa ito sa deliberasyon dahil sa election ban kaugnay sa tinatawag na public spending para sa imprastruktura at iba pang proyekto na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec).
“Importante ho na makakuha tayo ng Comelec exemption. Importante ho ngayong kailangan ng tao ng kabuhayan lalo na dahil sa pandemya kaya kailangan po mapagpatuloy natin ito,” pahayag ni Lopez sa isang report sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Miyerkules.
Una nang sinabi ng DTI na 10% ng mga MSMEs (micro,-small,-and medium-sized enterprises) ay napilitang magsara noong Hunyo 2021.
Halos kasing taas ito sa 52.66% na naitala noong Mayo 2020, sa panahon ng pagdami ng mga isinasagawang quarantine restrictions. Batay sa DTI, “micro enterprises are defined as those with total assets worth less than P50,000; cottage enterprises with assets worth P50,001 to P500,000; small with P500,001 to P5 million; and medium from over P5 million to P20 million.”
Ayon naman kay Lopez, nakikipag-ugnayan na ang DTI sa Comelec para sa exemption application, kung saan nakaiskedyul ang pagre-release ng mga ito ngayong linggo – sa Cebu sa Huwebes, Marso 31, at sa Laguna sa Biyernes, Abril 1.
Comments