ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 15, 2021
Nakakalungkot marinig ang obserbasyon ng Commission on Audit (COA) na may “deficiencies” ang Department of Health sa paggamit sa P67.323 bilyong pondo na inilaan para labanan ang COVID-19 pandemic.
Sa inilabas na 2020 audit report ng COA, sinabi nitong P6.6 milyon ang nasayang ng DOH dahil sa mga expired na gamot. Dagdag pa ng COA, may P20 milyon ding halaga ng mga gamot na malapit na mag-expire.
Bukod dito, lumabas sa report ng COA na may P69 milyong halaga ng overstock ng gamot at iba pang medical at office supplies. Ang mga overstock ay ang mga gamot o gamit na sumobra ang binili, mabagal ang paggamit o hindi na talaga nagagamit.
Ipinapakita lamang nito na talagang hindi maayos ang naging paggastos ng DOH sa pondong ipinagkatiwala sa ahensiya.
Lubhang nakapanghihinayang dahil ang pondong nasayang ay nagamit sana para ibsan ang mga pangangailangan ng ating mga medical frontliners.
☻☻☻
Nag-anunsiyo naman ang Commission on Elections (Comelec) na isususpinde muna nito ang voter registration at ang pagbibigay ng voter's certification sa ilang bahagi ng bansa na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at modified ECQ (MECQ).
Inaasahang maraming botante ang daragsa kapag muling nagbukas ang registration ng COMELEC, lalo na at nalalapit na rin ang deadline ng registration sa September 30.
Kaya naman, nananawagan tayo sa Senado na i-extend ng COMELEC ang kanilang deadline ng isang buwan hanggang October 31.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang projected voting population para sa 2022 national at local elections ay 73.3 milyon. Ngunit base sa datos ng COMELEC, nasa 60 milyon pa lang ang bilang ng registered voters hanggang Hunyo ng taon na ito.
Kung susumahin, 13.3 milyon pa ang unregistered potential voters at dapat lamang ay bigyan natin sila ng sapat na panahon na makapagrehistro, lalo na at naka-lockdown nanaman ang ilan sa ating mga kababayan.
Umaasa tayong pag-aaralan ito ng COMELEC at mapagbigyan ang ating panawagan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Commentaires