ni BRT | May 21, 2023
Timbog ang isang Chinese national matapos magbenta ng mga pre-registered SIM card na umaabot ng hanggang P500,000 ang halaga at ginagamit para makapang-scam sa Parañaque City.
Nadakip ang suspek ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Pampanga nang bentahan ang kanilang undercover operative ng pre-registered SIM sa halagang P3,000 hanggang P6,000 na pinapasa sa mga POGO company para magamit sa scam.
Ang mga SIM naman na may espesyal na numero ay umaabot ng hanggang P500,000.
Nakita umano ng mga awtoridad ang assorted SIM cards sa ads sa social media, na ipinagmamalaking pre-registered na.
Nang isalang sa pre-registration ang mga SIM, lumabas na rehistrado na sa ibang pangalan ang 20 SIM cards.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang nadakip na Tsino.
Nagpaalala ang DICT na huwag kumagat sa mga fixer na nag-aalok irehistro ang SIM kapalit ng bayad.
Libre ang pagpaparehistro ng SIM, at dapat makipag-ugnayan sa telco provider kapag gusto ng special number.
Comentários