top of page
Search
BULGAR

P500 subsidy para sa mahihirap na pamilya sa katapusan pa ng Hunyo — DSWD

ni Lolet Abania | June 9, 2022



Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang i-release ang P500 buwanang subsidiya para sa mga mahihirap na pamilya sa katapusan ng buwan.


Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, ilang 12.4 milyong low income families, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang mga social pension beneficiaries ang makatatanggap ng cash aid ng gobyerno na para sa tatlong buwan o may kabuuang P1,500.


“Inaasahan na itong P500 per month na subsidy ay maumpisahan bago magtapos ang termino ni Pangulong Duterte,” saad ni Dumlao sa isang televised briefing ngayong Huwebes.


“Isinasaayos na natin ang mga dokumento para makapag-umpisa na doon sa distribution. Ina-account na po natin kung ilan sa ating mga mahihirap na pamilya ang may existing cash cards upang sila ang unang mahatiran ng first tranche ng subsidy na mula sa national government,” sabi ni Dumlao.


Hindi naman binanggit ng opisyal kung hanggang kailan makatatanggap ng subsidiya ang mga benepisyaryo, subalit una nang sinabi ng mga awtoridad na kaya lamang isagawa ng bansa ang nasabing programa ng tatlong buwan.


Matatandaan na noong kalagitnaan ng Marso, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang monthly subsidy para sa mga naturang benepisyaryo upang mabawasan ang tinatawag na economic impact ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mataas na halaga ng mga bilihin.


Inilarawan naman ng iba’t ibang sektor sa bansa ang subsidy bilang maliit na sustento at hindi man lang aabot sa halaga ng isang araw na gastusin ng bawat pamilya.


Binanggit din ni Dumlao na walang mga pagkaantala sa naging direktiba ng Pangulo, paliwanag niya umabot sila sa mahigit dalawang buwan bago ito ipatupad dahil sa mga kinakailangang approval.


“Hindi natin nakita na may delay, may isinaayos lang tayo ng mga kinakailangang proseso para matiyak natin na magiging maayos ang pamamahagi ng tulong na ito,” giit pa ni Dumlao.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page