ni Mai Ancheta @News | July 14, 2023
Ipagbabawal na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsilong ng mga motorcycle rider at mga motorista sa ilalim ng overpass kapag malakas ang ulan.
Ayon kay MMDA acting Chairman Romando Artes, mapanganib ang pagtigil sa ilalim ng overpass lalo na sa highway dahil maaaring madisgrasya o masagasaan kapag hindi napansin ng ibang mga sasakyan.
“Unang-una, delikado para sa kanila. Imagine mo, nasa highway ka, titigil ka doon, puwede kang masagasaan o mabangga ‘pag hindi ka napansin ng ibang nagmamaneho,” ani Artes.
Bukod sa mapanganib, sinabi ng opisyal na nagiging dahilan din ng trapik ang pagparada para sumilong dahil sasakupin nila ang isang lane ng kalsada.
“Nagko-cause po siya ng traffic dahil, imagine mo, kung 30 minutes to an hour ang ulan, hindi sila umaalis hangga’t hindi tumitila. Minsan, isang lane na lang ang nadadaanan na nagko-cause po ng sobrang traffic,” dagdag ni Artes.
Dahil dito, sinabi ng MMDA chairman na magpapataw na sila ng multa para sa mga lalabag nito bilang obstruction na may multang P500.
Iaayos aniya nila ang sistema para sa pag-iisyu ng ticket bago simulan ang pagpapataw ng multa sa mga mahuhuling rider.
“Obstruction ang una na penalty, P500. Soon, kapag naisaayos natin ang ating sistema, particularly ‘yung mga sa gasoline stations, we will strictly enforce na po ang pag-i-issue ng tickets sa magba-violate,” wika ni Artes.
Plano ng MMDA na kausapin ang mga gasoline station sa kahabaan ng EDSA na makipag-partner sa kanila sa pamamagitan ng pagtatayo ng tents para masilungan ng riders at isang paraan na rin para masiguro ang kaligtasan ng mga ito kapag malakas ang ulan.
Comments