ni Lolet Abania | May 2, 2022
Magkakaloob ang lokal na gobyerno ng Quezon City ng P500 monthly assistance sa mga kuwalipikadong indigent senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs) para sa isang taon.
Kamakailan, inaprubahan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-3115, S-2022, na layong makatulong na mapagaan ang epekto ng COVID-19 pandemic at ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para sa pinakamahihina o vulnerable na sektor ng lipunan.
Ayon sa city government, sakop ng ordinance ang mga indigent senior citizens, solo parents, at PWDs na hindi pa nabebenepisyuhan mula sa anumang iba pang regular na financial assistance ng gobyerno gaya ng social pension o ang cash transfer program.
“Malaki ang maitutulong nito para sa kanilang araw-araw na gastusin sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan,” ani Belmonte.
Isang benepisyaryo lamang kada pamilya ang maaaring maka-avail ng financial assistance, ayon pa sa lokal na pamahalaan.
Maibibigay naman ang cash aid, kasunod ng pag-apruba ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa ordinance.
Ang mga target beneficiaries ay maaaring magsumite ng kanilang aplikasyon sa Office for the Senior Citizens Affairs (OSCA), Persons with Disability Office (PDAO), o sa Social Services and Development Department (SSDD) para sa mga indigent solo parents.
Kapag ang aplikante ay nakapasa sa initial review ng OSCA, PDAO, o SSDD, ang SSDD field unit ay magsasagawa naman ng isang case study para maberipika ang kanilang eligibility sa programa.
Ang mga applicants na nakapasa naman sa case study ay irerehistro na bilang benepisyaryo ng programa at makatatanggap ng cash aid via direct payment, electronic o digital, o cash card.
Matapos ang 12 buwan, ang OSCA, PDAO o SSDD ay magsasagawa ng re-evaluation upang madetermina kung ang mga benepisyaryo ay nananatiling eligible para sa programa.
Comments