ni Jasmin Joy Evangelista | October 2, 2021
Sinalakay ng National Bureau of Investigation, Bangko Sentral ng Pilipinas, at Bureau of Customs ang isang warehouse sa Quezon City dahil sa mga nakaimbak na barya na aabot sa Php 50 million.
Bukod sa milyon-milyong barya, natagpuan din sa warehouse ang ilang luxury sports car na pawang wala umanong mga dokumento.
Hindi pa matukoy kung bakit nakaimbak ang pera roon pero money laundering umano ang isa sa mga tinitignang anggulo ng awtoridad.
“Kasi kapag ganito karaming barya, usually galing sa illegal gambling,” ani Joel Pinawin, intelligence division chief ng BOC.
Sa labas naman ng bahay ay nadiskubre ang 5 luxury car na nasa P100 milyong piso ang halaga.
Batay sa kanilang surveilance, 11 luxury car umano ang nakaparada sa lugar noong nakaraang araw.
“Kahinahinala ‘yung mga kotse kasi pansin mo walang plaka, tapos wala ring conduction sticker,” ani Pinawin.
Kinalawang at inamag na umano ang ilang barya na nakatambak sa nasabing warehouse.
Ayon naman sa barangay, hindi nila alam kung paanong dinala ang mga barya sa lugar lalo’t mataas ang bakuran ng bahay.
“During the day wala kaming nakikita hindi namin alam kung paano naipon ‘yan. Ang huling activity dito ‘yung request nila sa pagsesemento,” ani Jose Maria Rodriguez, barangay captain ng Barangay Laging Handa.
Dumating naman ang nagpakilalang kasosyo ng may-ari umano ng mga kotse na si Felix Uy pero tumanggi siya magbigay ng paliwanag.
Isinara muna ng mga awtoridad ang bahay at binigyan ng 15 araw ang mga may-ari nito para magpaliwanag tungkol sa mga barya at kotse, at patunayang hindi ito galing sa ilegal na gawain.
Comments