ni Lolet Abania | February 21, 2021
Umabot sa 10 establisimyento at isang bahay ang natupok ng apoy sa bayan ng Antique madaling-araw ngayong Linggo.
Batay sa ulat ng Patnongon Fire Station (PFS), alas-2:00 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa mga commercial establishment at isang bahay sa Patnongon, Antique.
Ayon kay SFO2 Jose Talidong, officer-in-charge ng PFS, mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga istruktura ng mga gusali at nadamay pa ang isang tirahan.
May isa namang nagtamo ng 1st degree burn dahil tumulong ito sa pag-apula ng apoy.
Gayunman, agad siyang ginamot ng mga emergency responder kaya maayos na ang kanyang kondisyon. Hindi naman binanggit ang pagkakakilanlan nito.
Tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng pinsala matapos ang sunog. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang naging sanhi at pinagmulan ng nasabing sunog.
Comments