ni Lolet Abania | May 27, 2021
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karagdagang P5 bilyong badyet para sa mga gastusin sa isinasagawang quarantine ng mga returning Overseas Filipino Workers (OFWs), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
“The President approved an additional P5 billion budget and this was confirmed by Labor Secretary Silvestre Bello III,” ani Roque sa briefing ngayong Huwebes.
“This budget will pay for the quarantine hotel expenses because of the longer quarantine period that we require for our returning OFWs,” dagdag ng kalihim.
Ipinatutupad ng pamahalaan para sa mga returning OFWs ang pagsasailalim sa quarantine sa isang pasilidad ng gobyerno nang 10 araw habang sasailalim sa RT-PCR test sa ika-7 araw ng quarantine.
Sakaling ang kanilang test ay negative, kailangan na lamang tapusin ng mga naturang OFWs ang 14-day quarantine sa kanilang tahanan.
Matatandaang binanggit ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Chief Hans Leo Cacdac na ang ahensiya ay mangangailangan ng P9 bilyong karagdagang badyet upang tugunan ang mahabang quarantine period na kailangan ng mga returning OFWs sa gitna ng pagkakaroon pa ng bagong variants ng COVID-19. Mahigit sa 500,000 OFWs ang na-repatriate simula pa ng COVID-19 pandemic kung saan labis na naapektuhan ang mga negosyo at iba pang industriya sa buong mundo.
Comments