top of page
Search
BULGAR

P5.2 M halaga ng ecstasy tablets, nakumpiska, 2 taga-QC, arestado

ni Lolet Abania | January 23, 2022



Arestado ang dalawang babaeng residente ng Quezon City nitong Sabado, matapos na makakumpiska ang mga awtoridad sa Port of Clark ng tinatayang P5.2 milyong halaga ng ecstasy tablets na nakatago sa isang parcel na idineklarang “solar lights for home use.”


Una rito, isang joint operation ang ikinasa ng mga operatiba, kung saan nakasabat sila ng kabuuang 3,054 piraso ng ecstasy tablets na ipinadala mula sa Zaandam, Netherlands patungong Port of Clark.


Kabilang sa mga law-enforcement agencies na nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Customs (BOC) ng Port of Clark, Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP), at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).


Ayon sa BOC, ang naturang shipment na consigned sa isang indibidwal na may address sa Quezon City ay naharang nang dumating ito noong Huwebes, Enero 20, habang nagsagawa sila ng i-X-ray scanning nito.


Nagbigay naman ng indikasyon ang K9 sniffing unit ng PDEA ng posibleng pagkakaroon ng illegal drugs sa nasabing kargamento.


Sa physical examination na pinangunahan ng BOC, tumambad ang tatlong piraso ng solar lights, isang heating cushion, at anim na plastic pouches ng hinihinalang ilegal na droga na nabalutan ng duct tape at nakatago sa pagitan ng mga linings ng corrugated box.


Sa isinagawa pang inspeksyon ayon sa BOC, nakakuha naman sila ng anim na plastic pouches ng nasa 10 gramo ng watak-watak na piraso ng asul at pink tablets ng hinihinalang party drugs o ecstasy.


Gayundin, lumabas sa field testing na isinagawa ng CAIDTF Clark personnel sa pamamagitan ng isang Rigaku Ramman Chemical Analyzer na positibo ang resulta nito ng pagkakaroon ng tinatawag na “Mixture of Cotton MDMA” o ecstasy.


Agad na dinala ang mga representative samples mula sa mga tableta na itinurn-over sa PDEA para isailalim sa chemical laboratory analysis, kung saan nakumpirma na ang mga naturang tableta ay Methylenedioxymethamphetamine o ecstasy.


Isang warrant of arrest para sa indibidwal na responsable sa shipping at importation ng contraband items ang inisyu ng mga awtoridad dahil sa paglabag nito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022, at Customs Modernization and Tariff Act.


Nitong Sabado ng gabi, isang entrapment operation ang isinagawa ng joint elements ng PDEA, CAIDTF, ESS, at CIIS sa isang Evelyn Sotto na umano package consignee na residente ng Tandang Sora, Quezon City.


Nagpanggap ang mga undercover operatives na mga empleyado ng isang courier company kung saan ide-deliver ang package na naglalaman ng party drugs.


Ayon sa PDEA-Region 3, nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto kay Jennifer Abas na umano’y gumagamit ng pangalang Evelyn Sotto bilang pseudonym.


Inaresto rin si Genevie Abas na katuwang naman ng consignee sa pagtanggap ng parcel.


Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay nai-turn-over na sa PDEA para sa proper disposition, habang ang mga suspek ay nakatakda naman sa inquest proceedings at nahaharap sa pormal na reklamo dahil sa paglabag sa Section 4 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

0 comments

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page