P5.1-B halaga ng bakuna, nasayang lang!
- BULGAR
- Jul 31, 2022
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 31, 2022
Nakapanghihinayang, nakapanlulumo at nakalulungkot.
Ito ay matapos mag-expire ang mahigit 4.2 milyong doses ng COVID-19 vaccines na binili ng private sector, ayon kay Go Negosyo founder at dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion. Dagdag pa niya, nagkakahalaga ng tinatayang P5.1 bilyon ang mga bakuna.
Imbes na nakatulong sana upang mabigyan ng karagdagang proteksyon ang ating mga kababayan kontra COVID-19 ay nauwi ito sa wala.
Nitong Martes (Hulyo 26) lang kasi inilabas ng DOH ang bagong guidelines para sa rollout ng 2nd booster shot.
Sa ilalim nito, kasama sa mga puwedeng magpabakuna ng 2nd booster shot ang mga edad 50 pataas at immunocompromised na edad 18 hanggang 49.
Ngunit nag-expire ang last batch ng Moderna vaccines noong Miyerkules (Hulyo 27), habang Hulyo 31 naman ang expiration ng final batch ng AstraZeneca vaccines, ayon kay Concepcion.
Nawa’y pag-ibayuhin ng DOH at advisers nito ang pakikipag-ugnayan sa kanilang international counterparts, lalo na ‘yung mga nag-aaral ng bisa ng bakuna, upang malaman agad ang pinakabagong resulta ng pag-aaral nila at tutukan ang expiry dates ng bakuna upang maiwasang masayang ito.
Pagtulungan din natin upang lalo pang mapalakas ang vaccination drive ng pamahalaan, lalo na ang booster shots ng mga bulnerableng sektor.
Hindi kasi biro ang perang ginasta upang bilhin ang mga vaccine, lalo na at lubhang naapektuhan ng pandemya ang pribadong sektor.
☻☻☻
Nakikiramay naman tayo sa ating mga kababayan na nasalanta ng nagdaang lindol sa northwestern Luzon, lalo na sa mga lalawigan ng Abra at Ilocos.
Nagpapasalamat din tayo sa Maykapal, na bagama’t may mga namatay ay kakaunti ito.
Ipinaabot natin ang taimtim na pakikiramay at pakikidalamhati sa mga naiwan at umaasang gagaan din ang kanilang kalungkutang nadarama.
Ang aming opisina nama’y nakikipag-ugnayan na sa mga kinauukulan upang makapaghatid ng tulong at maibsan ang bigat na dinadala ngayon ng ating mga kababayan sa Norte.
Tututukan din natin ang pagdinig ng pambansang badyet, upang masiguro na mayroong pondo upang muling makabangong ang ating mga kababayan at maisaayos ang mga nasirang imprastruktura at heritage sites.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments