ni Lolet Abania | March 24, 2022
Naglaan ng P4 bilyon halaga ng fertilizer subsidy ang Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka sa gitna ng pagtataas ng presyo nito sanhi ng pagsirit din ng halaga ng langis.
Ayon kay DA Assistant Secretary Noel Reyes, ang naturang subsidy ay magiging available sa pamamagitan ng vouchers. Subalit aniya, hindi pa agad matukoy kung ilang mga magsasaka ang mabebenepisyuhan nito.
“’Yan po ngayon ang pinakaproblema, ang presyo ng abono, fertilizers. Ito ay by-product ng oil industry. Kaya karamihan ang fertilizer inaangkat natin sa oil producing countries,” paliwanag ni Reyes sa public briefing ngayong Huwebes.
“Tumaas, nagdoble, nagtriple [ang presyo]. Namimigay na rin ang DA niyan, may P4 billion for that... ‘Yan ang ina-address,” sabi ni Reyes.
Ayon sa opisyal, upang makatipid sa organic at inorganic fertilizers ay mag-iimplementa ang ahensiya ng large-scale use ng biostimulants para ma-boost ang kalidad ng mga pananim.
“Para pandagdag... gumanda pa rin ang ani kahit kalahati na ng inorganic ang na-apply, dinadagdag naman ang biostimulants at biofertilizers. 'Yan ang tulong through our regional field offices,” ani Reyes.
Bukod dito, sinabi ni Reyes na ang DA ay nakapagpamahagi na ng fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda. Tinatayang nasa 158,000 ang mabebenepisyuhan nito, kung saan bawat isa ay makatatanggap ng P3,000.
Gayundin aniya, inaprubahan na ng mga awtoridad ang isa pang P600 milyon subsidy para sa susunod na tranche.
Σχόλια